SAN JOSE, Antique -- Kasabay ng pagkalagas ng tatlo pang meet record sa athletics event, lalo namang umagwat at tiniyak ng mga atleta ng National Capital Region ang kanilang tagumpay sa elementary at secondary level kahapon sa penultimate day ng 60th Palarong Pambansa dito.

Kasunod ng naunang naitalang dalawang record sa secondary boys at girls javelin throw, tatlo pang record ang nabasag sa pagtatapos ng athletics event sa Binirayan Sports Complex track oval na kinabibilangan ng secondary boys pole vault, elementary boys shotput at secondary girls 4x 400 meter relay.

Kagagaling pa lamang buhat sa kanyang pag-angkin ng gold medal sa nakaraang 12th Southeast Asian Youth Athletics Championships na ginanap noong nakaraang buwan sa Isabela, binura ng Italy-bound na si Emerson Obiena ang record na 4.06 meter sa natalon na 4.30 meter.

Malayong pumangalawa sa kanya si Mark del Rosario ng Region 2 na nakatalon ng taas na 3.70 meters habang pumangatlo naman si John Paul Parulan ng Central Luzon na may naitalang 3.30 meters.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nauna rito, isang record sa elementary girls division ang naitala sa event na discuss throw nang burahin ni Irish de Guzman ng Negros Island matapos itapon ang discuss plate sa layong 35.56 meters para lagpasan ang dating rtecord na 33.07 meters na ginawa ni Mika de Oro ng Western Visayas noong 2007.

Sinapawan naman ng 4 x 400 meter secondary girls relay team ng Calabarzon ang dating record na hawak ng Eastern Visayas na 3:56.42 matapos nilang maorasan ng 3:54.37.

Kahapon, habang isinasara ang pahinang ito, mayroon ng natipong kabuuang 30 golds, 15 silvers at 15 bronze medal ang NCR sa elementary level at 50-29-19 sa secondary.

Lubhang malayo na upang abutin pa ng pumapangalawa sa kanilang Soccksargen o Region 12 sa elementary na may 15-10-14 at Western Visayas naman sa secondary na may 17-7-13.

Pumapangatlo sa elementary level ang Western VIsayas na may 15-11-14, kasunod ang Negros Island Region (12-6-7), Southern Tagalog-A (Calabarzon) (10-21-13), Cordillera Adminitsrative Region ( 9-4-5), Davao Region (7-7-7), Central Luzon (6-9-8), Northern Mindanao (6-5-15) at Bicol Region (5-11-17).

Sa secondary, tumitersera ang Calabarzon (12-24-25), pang-apat ang NMRAA (10-9-25), kasunod ang CAR (9-12-8), Central Visayas (9-6-11), Eastern Visayas (7-4-11), NIR (5-11-19), Region 12 at Davao Region (4-9-9).

Sa taekwondo, lima sa 12 gold medals na nakataya sa kyorugi o sparring ang nakopo ng NCR na kinabibilangan ng secondary girls flyweight at bantamweight at secondary boys featherweight, lightweight at welterweight.

Nakadalawa naman ang Region 6, at tig-isa ang CARAGA, Region 5, Region 3, NIR at Region 10.

Ang mga nagsipagwagi ng gintong medalya sa NCR sa taekwondo ay sina Dexian Chavez, featherweight, Gian Carlo Gutierrez, lightweight at Harley Vincent Santos, welterweight sa boys at sina Alexa Raine Rabino, bantamweight at Abigail Faye Valdez, flyweight sa girls.

Sa billiards, inangkin naman ng host region Western Visayas ang huling gold medal sa 9-0.

Ang naunang 14 na medalya sa swimming ay nadagdagan pa ng anim para sa NCR sa ikatlong araw ngunit isang record lamang ang nadagdag sa pamamagitan ng NCR tanker din na si Jerald Jacinto sa seconday boys 2000 meter backstroke matapos maorasan ng 2:11.49 na sumira sa 12 taong record ni Ryan Arabejo na isa ring NCR swimmer na 2:12.61.

Agaw pansin naman at naging “Darling of the Crowd” ang mestisang tanker mula sa Calabarzon na si Fil-British Bhay Newberry. (Marivic Awitan)