NANG magpasya si Pangulong Duterte na ipaubaya na lang sa mahihirap na miyembro ng Kadamay ang mga bakanteng pabahay na puwersahang inokupa ng mga ito sa Pandi, Bulacan nitong Marso, hindi rito nagtapos ang kuwento. Kailangang gumawa ng mga hakbangin ng gobyerno upang maging lehitimo ang ilegal na pag-angkin ng grupo sa mga bahay. Marapat na opisyal na maigawad ang mga pabahay sa mga pamilya na tutupad sa isang pormal na kasunduan sa National Housing Authority.
Mauunawaang aabutin ng ilang taon ang proseso, gayundin ang talakayan sa usapin at pag-aasikaso sa mga kinakailangang dokumento. Kailangang humarap ang mga pinuno ng Kadamay sa mga opisyal ng NHA at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pabahay—lahat ay may layuning matuldukan ang anggulo ng rebelyon sa nangyari, upang maiwasang lumala pa ang sitwasyon, hindi lamang sa usapin ng pabahay kundi maging sa iba pang aspeto ng gobyerno.
Nitong Linggo, may dalawang linggo ang nakalipas makaraang pahintulutan ang mga pamilya mula sa Kadamay na manatili sa proyektong pabahay sa Pandi, sinabi ng mga lokal na opisyal ng munisipalidad, sa pangunguna ni Mayor Celestino Marquez, na pasan na ngayon ng pamahalaang bayan ang mga problema sa pami-pamilya ng Kadamay na pawang walang trabaho at walang anumang oportunidad sa pagkakakitaan, na nangangailangan ng mga serbisyong panlipunan gaya ng mga eskuwelahan at health center na, dahil sa limitadong pondo, ay hindi maaaring ipagkaloob ng Pandi sa ngayon.
Higit pa sa pagwawasto sa record ng kung sino ang nakatira sa aling housing unit, kailangang din ipagkaloob ng pamahalaan ng mga pangunahing pangangailangan ng mga miyembro ng Kadamay. Iginigiit ng pinuno ng grupo na obligasyon ng gobyerno na pagkalooban ang mahihirap na gaya nila ng disenteng pabahay.
Totoong alinsunod sa batas, RA 7279, ay may mandato ang pamahalaan na magpatupad ng programa sa pabahay para sa mahihirap, sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor, “to make available to them decent housing at affordable cost, basic services, and employment opportunities.” Ngunit ang realidad, milyun-milyong Pilipino ngayon ang walang trabaho at umabot sa 5.5 milyon ang kakulangan sa pabahay sa pagtatapos ng 2016, dahil hindi sapat ang mga hakbangin ng pamahalaan upang masolusyunan ang problema sa kakulangan sa trabaho at pabahay.
Sa bandang hilaga, sa lalawigan ng Tarlac, inangkin ng mga magsasakang kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) nitong weekend ang may 500 ektarya ng lupain na ibinenta ng Hacienda Luisita sa bangko noong 2006, iginiit na ang nasabing lupain ay bahagi ng 4,915 ektaryang saklaw ng stock-distribution option, isa sa mga paraan upang makinabang ang mga magsasaka sa asyenda sa repormang agraryo. Posibleng nahimok ang mga miyembro ng KMP sa halimbawa ng Kadamay na sapilitang umokupa sa mga nakatiwangwang na pabahay sa Pandi.
Umasa tayong ang ginawa ng Kadamay ay hindi magpasimula ng mga pangangamkam na mahihirapang kontrolin dahil napakaraming kaso ng kasamaan, kawalang aksiyon, kakulangan at kawalang-hustisya ang nangyari sa nakalipas na mga taon. Ngunit marapat na gawin ng gobyerno, sa ilalim ng polisiya ng pagbabago ng bagong administrasyon, ang lahat ng makakaya nito upang isa-isa nitong masolusyunan ang mga namanang suliranin. Maaari itong magsimula sa mamamayan ng Kadamay sa Pandi, Bulacan.