SA ikalimang anibersaryo ng desisyon ng Korte Suprema na inilabas noong ika-24 ng Abril, 2012, pinasok ng mga magsasakang kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang natitira sa mahigit 6,000 ektarya ng Hacienda Luisita sa Tarlac.
Ang nasabing desisyon ay nag-atas sa Department of Agrarian Reform (DAR) na ipamahagi ang 4,500 ektarya sa 6,200 magsasaka. Ang pinasok ng mga magsasaka ay ang 500 ektarya sa Barangay Balete, Tarlac na ibinenta ng pamilya Cojuangco na siyang nagmamay-ari ng hacienda sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC). Napasok nila ang lupain sa pamamagitan ng paggiba sa konkretong bakod nito.
Hindi ito isinama ng Korte Suprema sa iniatas na ipamahagi sa mga magsasaka. Hindi ibinasura ang bentahan sa pamamagitan ng pamilya Conjuangco at RCBC. Sa halip ay iniutos ng Korte sa Hacienda Luisita, Inc. (HLI) na bayaran ang mga magsasaka ng P1.3 bilyon, kasama rito ang napagbentahan ng HLI sa 81 ektarya sa Bases Conversion and Development Authority para sa Luisita interchange ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Pero, sa napagbentahan ng lupa sa RCBC, binigyan ng HLI ang mga magsasaka ng P30 milyon bilang bahagi nila. Pero, “illegally converted” ang lupa bago ibinenta ng HLI sa RCBC.
Maliwanag sa kaso ng Hacienda Luisita ay kung paano pinaglalangan ng mga makapangyarihan ang mga magsasaka. Sa kabila ng batas na ang layunin ay partihin ang malawak na lupain upang ipamahagi sa mga naglilinang nito, bigo pa rin ang pagpapairal nito.
Hanggang sa ngayon ay ipinaglalaban pa rin ng mga magsasaka ang kanilang karapatan. Eh, hindi naman nilikha ang batas para lamang sa kanila kundi higit sa lahat, para sa mamamayan at para sa kaunlaran ng bansa. Kung lahat ng lupain ng bansa ay sinasaka at natatamnan, magbibigay ito ng masaganang ani na bubuhay sa lahat.
Kaya, tama ang winika ng pinuno ng Kadamay na si Gloria Arellano. Ang sama-samang pagkilos ng mamamayan ay makatarungan. Ang matinding krisis ng kahirapan at kagutuman ay nangangailangan ng higit na malakas at militanteng pakikipagkompronta ng taumbayan sa gobyerno. Ang gobyerno kasi ay itinatag nila para maging instrumento nila sa pagtataguyod ng kanilang kapakanan. Hindi ito gobyerno ng iilan, o kaya gobyernong sabwatan laban sa interes ng mamamayan.
Panahon na para makilala nang lubusan ng mga dukha ang kanilang karapatan. Hindi dapat nila iasa ang ikabubuti ng kanilang kalagayan sa gobyerno, bagkus sa lakas ng kanilang sama-samang pagkilos. (Ric Valmonte)