PALIBHASA’Y nakasaksi na rin ng mistulang pagkatuyo ng utak ng mga sugapa sa bawal na droga, hindi ko napigilang manggalaiti sa naiulat na panukala ni Vice President Leni Robredo: Decriminalize illegal drug cases. Sa aking pagkaunawa sa naturang panukala, ang paggamit at pag-iingat ng shabu, cocaine at iba pang bawal na gamot ay hindi na ituturing na isang krimen; at iniligtas na rin sa pagiging kriminal ang mga sangkot sa nasabing kasumpa-sumpang bisyo.

Ang pahayag ni Robredo na sinasabing ginawa kamakailan sa isang forum sa University of the Philippines sa Los Baños, Laguna, ay nakaangkla sa umano’y matagumpay na pakikidigma ng Portugal sa ipinagbabawal na mga gamot. Ang pag-iingat ng gayong mga droga, lalo na kung gagamitin lamang para sa personal na pangangailangan, ay hindi itinuturing na krimen. Ang parusa sa ganitong paglabag ay kinapapalooban lamang ng pagmumulta at community service.

Maliwanag na ang nabanggit na sistema ay taliwas sa mararahas at kaliwa’t kanang pagpaslang ng mga sangkot sa illegal drugs, tulad ng naghahari sa bansang Latin America. Nasa likod kaya ng utak ni Robredo ang malagim na sitwasyong nagaganap sa ating bansa?

Hindi nakapagtataka kung ang nasabing mga pahayag ng ating pangalawang pinakamataas na lider ay umani ng maaanghang na patutsada mula sa ating mga kababayan. Mismong si Philippine Ambassador to the United Nations Teddy Locsin, sa kanyang twitter account, ang bumatikos kay Robredo sa pamamagitan ng mahahayap na salita. Gayundin ang himig ng pagtuligsa ni Chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Dante Jimenez. Ayaw ko nang ulitin ang binigkas nilang mga akusasyon na masyadong tumatalab sa kamalayan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bagamat hindi isang abogado, naniniwala ako na ang naturang pahayag ay taliwas sa itinatadhana ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (CDDA) of 2002 na naglalayong patawan ng mabigat na parusa ang mga user at pusher ng bawal na gamot. Lalong mabigat ang pananagutan ng mga drug lords na pinanggagalingan ng malaking kantidad ng illegal drugs.

Paanong makapangingibabaw ang Portugal drug policy sa CDDA na epektibo sa pagpuksa ng mga sugapa sa gamot?

Ang panukala ni Robredo ay lalong taliwas sa paraan ng paglipol ni Pangulong Duterte sa talamak na illegal drugs sa buong bansa. Lagi niyang ipinagdidiinan na mananatili ang maigting na kampanya laban sa droga hanggang hindi nauutas ang pinakahuling sugapa sa lipunan tungo sa pagsilang ng drug-free Philippines; kahit na manatiling magkataliwas ang paninindigan ng dalawang mataas na lider ng ating bansa. (Celo Lagmay)