MAY Kapamilya actresses daw na nalungkot nang malamang ipinatawag si Pia Wurztbach ng ABS-CBN bosses para sa isang meeting nitong nakaraang midweek.
Siguradong isa raw sa mga pinag-usapan ang pelikulang Darna na isa ang pangalan ni Pia sa mga lumutang para pumalit kay Angel Locsin na hindi na puwede dahil sa problema sa kalusugan.
Matunog ang usap-usapan ngayon na si Pia na raw ang napili ng Star Cinema execs kaya out na ang mga unang nabanggit na pinagpipilian na kinabibilangan nina Liza Soberano,Nadine Lustre, Kathryn Bernardo,Maja Salvador, Yassi Pressman, Jessy Mendiola at iba pa.
Nakarating pa sa amin na mismong si Direk Erik Matti pa nga raw ang nag-suggest ng pangalan ng dating Ms. Universe.
Pero ayon kay Jonas Gaffod, wala pang in-offer sa kanila ang ABS-CBN.
“Wala pa silang sinasabing projects na gagawin. Nag-usap-usap lang,” sey ng manager ni Pia.
Pero idinagdag ni Jonas na may interes talaga si Pia na umarte sa pelikula man o sa telebisyon, pero depende pa rin daw ‘yun sa proyekto.
Samantala, binanggit sa isang post ng car racer boyfriend ni Pia na si Marlon Stockinger na wala pa ring nagbabago sa relasyon nila ng beauty queen.
Ibig sabihin, walang naging epekto sa relasyon nila ang paglantad sa publiko ng model na naanakan daw ni Marlon noong teenager pa siya. (Jimi Escala)