Gary V_season finale copy

KADALASANG isang oras hanggang dalawang oras lang ang itinatagal ng entertainment press sa isang presscon, wala namang dahilan para magtagal lalo na kung nakuha na ang lahat ng impormasyon ng nagpa-presscon.

Pero sa thanksgiving videoke party ni Gary Valenciano nitong nakaraang Miyerkules sa Polari Music Hub, maghahatinggabi nang nag-uwian ang press (bukod sa iba na may iba pang lakad) dahil nag-enjoy ang lahat sa pakiki-jamming kay Gary V na nagdiriwang ng 34 years sa show business.

Nagulat si Mr. Pure Energy na may mga katoto palang magagaling kumanta, kaya ginanahan din siyang maki-duet at mag-back-up.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Bukod sa bago ang videoke party, para na rin kaming nanood ng concert sa paisa-isang pagkanta ng lahat na guests ni Gary V sa mga nakaraang show niya sa The Theater Solaire.

Unang kumanta ang Suklay Diva na si Katrina Velarde, sumunod ang tinawag na baby face ni Gary na si Tim Pavino, si Janice Javier na idinaan sa kanta ang “tampo” na naubusan siya ng gambas, RJ dela Fuente na super crush pala si Maja Salvador, Allan Silonga ng Daddy’s Home, ang classical-pop singer na si Lara Maigue ng Philippine Pop, at ang theater actress na gumanap bilang Kim sa Miss Saigon London na si Carla Guevara-Laforteza.

At siyempre, hindi naman nagpahuli ang man of the hour na kumanta rin ng Huwag Ka Nang Umiyak na soundtrack FPJ’s Ang Probinsyano. Sinundan niya ito ng mga kantang pinasikat niya noong 80s, 90s kaya humataw sa dance floor ang mga katoto. Party-party talaga ang nangyari.

Para sa mga hindi pa nakakapanood ng maganda at masayang show ni Gary V, may season finale ang Gary V Presents at The Theatre At Solaire sa Mayo 12‬, 13, 19, at 20, simula 8:00 PM, sa direksiyon ni Paolo Valenciano.

“Finally we have Gary! Matagal na naming hinihintay na mag-perfrom si Gary sa The Theatre at Solaire at sobrang excited kami sa run na ito,” ang sabi ng Solaire entertainment director na si Audie Gemora. 

Dating artist si Audie ng Manila Genesis Entertainment and Management, Inc. na nagdiriwang ng tail end ng 30th anniversary. 

 Brain child mismo ni Mr. Pure Energy ang Gary V Presents na ang main objective ay ang magkaloob ng mainstream platform sa mahuhusay na artists na kanyang pakiramdam ay kailangan ng mas malaki at mas malawak na venue.

Ginanap ang unang Gary V Presents noong Nobyembre 2015 na naging concert franchise series due to insistent public demand. 

Nagkaroon ito ng repeat noong Disyembre 2015 sa Maynila at sumunod sa Dipolog City at dalawang gabi ring itinanghal noong Hulyo 2016 sa Kia Theater, at ngayon na ang season finale.

 Bukod sa guests na nabanggit, kasama rin sa finale sina Jimmy Marquez, Bullet Dumas, Kiana Valenciano, at Jason at Joshua Zamora.

“Season finale ang tawag namin sa Gary V Presents na itatanghal namin ngayon sapagkat ibang mga artist na ang ipi-feature namin ‘pag nagbalik ito sa mga darating na araw,” sabi ni Gary V.

“Nais kong ituloy ang aking adbokasiya na bigyan ang mga artists ng mas malaking platform upang ma-showcase ang kanilang musika sa mas malaking wider audience and I’ll be on the look out for a new set of artists. But of course, the original cast of Gary V Presents will always have a special place in my heart.”     

Mapupunta ang proceeds ng Gary V Presents sa diabetes at scholarship programs ng Shining Light Foundation. 

Samantala, paalis si Gary for a series of shows sa North America ngayong taon kasama ang kanyang espesyal na guest na si Katrina Velarde sa M Resort, Las Vegas sa Mayo 27; sa Pechanga Resort And Casino sa Hunyo 3; kasama naman sina Kiana Valenciano at Katrina Velarde; at sa Pasadena Civic Auditorium sa Hunyo 10; at join ulit si Katrina Velarde with Sam Concepcionat Kiana Valenciano.

Sa Hunyo 12, pangungunahan din niya ang pagdiriwang ng Philippine Independence Day sa Salt Lake City, Utah.  

(REGGEE BONOAN)