MARAMI at may iba’t ibang kahulugan ang pag-ibig. Sa lyrics ng isang awiting Pilipino ng dating Hari ng Kundiman na si Ruben Tagalog ay ganito ang isinasaad: “Oh, pag-ibig na makapangyarihan’ kapag pumasok sa puso ninuman,/ hahamakin ang lahat/ masunod ka lamang/ alang-alang sa minamahal.”
Ganito rin halos ang kahulugan ng isang saknong ng klasikong awit na “Florante at Laura” na isinulat ng Prinsipe ng mga makatang Tagalog na si Francisco Balagtas. “Oh pagsintang labis ng kapangyrihan,/ sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw,/ kapag ikaw ay ‘nasok sa puso nino man/ hahamakin ang lahat, masunod ka kamang.”
Ang nasabing saknong ay sinambit ni Aladin, isa sa mga pangunahing tauhan sa Florante at Laura, matapos agawin sa kanya ng kanyang ama na si Sultan Ali Adab ang kanyang kasintahan na si Flerida.
Maging ang makatang Ingles na si William Shakespeare na sumulat ng “Romeo and Juliet” ay nagsabi naman na “Love is blind and lovers cannot see” o ang pag-ibig ay bulag at ang mga umiibig ay hindi nakakakita.
Sinasabi rin na dahil sa pag-ibig ng Diyos, natubos ang sala ng sangkatauhan. Nagkatawang-tao ang Anak ng Diyos, isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang sabsaban sa Bethlehem. Nang sumapit ang panahon ng kanyang ministry, sinimulan na ni Kristo ang Kanyang pangangaral. Gumawa ng mga himala, pinatawad ang makasalanan at nagbabalik-loob.
Bumuhay ng patay, nagpagaling ng mga may sakit, muling napalakad ang mga lumpo. Ngunit ipinagkanulo siya ng isa sa kanyang barkada. Inusig, dinakip, pinarusahan, ipinako sa krus, namatay at muling nabuhay makalipas ang tatlong araw.
Sa ating makabagong panahon, may ibang kahulugan ang pag-ibig. Isang halimbawa ay nang mabunyag ang isang babaeng Superintendent na may relasyon sa isang pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf.
Sinabi ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na ang lady cop ay NABUANG SA GUGMA o nabaliw sa pag-ibig. Ang lady cop ay sleeping with the enemy o natutulog kasama ang kaaway. Nabatid pa na kasal na ito sa nasabing miyembro ng Abu Sayyaf. Matagal nang hiwalay sa dati nitong asawa na isa ring pulis na nasa ibang bansa.
Para naman sa 163 magkasintahan sa Antipolo City, ang kapangyarihan ng pag-ibig ay isang malaking pagdiriwang sapagkat sila’y nagpalitan ng “I Do” sa Kasalang Bayan ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares. Ang libreng kasalan ay ginanap kamakailan sa covered court ng Barangay Sta. Cruz.
Ayon kay Mayor Ynares, mahalaga ang kasal upang maging ganap ang karapatan at pribilehiyo sa isa’t isa bilang simula ng pagbuo ng pamilya. Dahil dito, ang Pamahalaang Lungsod ay patuloy sa pagsasagawa ng Kasalang Bayan upang matulungan ang mga magkasintahan na nagnanais na makapagsama ng legal at hindi na kailangan pang gumastos nang malaki.
Dumalo sa Kasalang Bayan sina Congresswoman Chiqui Roa Puno, ng Unang Distrito ng Antipolo; Antipolo Vice Mayor Pining Gatlabayan; PNP Atntipolo chief Rube Andiso; Sta. Cruz Barangay Captain Oca Tamayao at ang kanyang maybahay na si Ludy Tamayao.
Sa tulong at suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, umabot na sa 3,300 ang libreng ikinasal mula noong 2014.
(Clemen Bautista)