Nakatakdang maranasan ng Heads of States ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) at kani-kanilang maybahay ang init ng pagtanggap ng mga Pilipino sa ASEAN Summit Gala Dinner sa Sabado.
Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na ang gala dinner, may temang “ASEAN Fiesta”, ay pangungunahan mismo ni Pangulong Duterte sa Grand Ballroom ng Sofitel Philippine Plaza Manila.
Ayon pa sa PCOO, tampok sa ASEAN Fiesta ang mainit na pagtanggap ng mga Pinoy sa mga bisita. Layunin nito na ipagdiwang ang iba’t ibang kultura ng Pilipinas at pagkakapareho sa mga bansang ASEAN.
Inaasahang aabot sa 800 bisita na binubuo ng ASEAN leaders, kanilang asawa, respetadong delegado, miyembro ng diplomatic corps, government officials at business leaders ang makikiisa.
Magsusuot ang mga ASEAN leader ng Mindanao-inspired Barong Tagalog, dinisenyo ni Rajo Laurel, na gawa sa telang mula sa iba’t ibang Philippine ethno-linguistic tribe.
Habang ang kanilang asawa ay magsusuot ng Rhett Eala formal wear na gawa sa gazar o mikado fabric sa pang-itaas at crepe fabric naman sa pang-ibaba.
At habang inihahain ang masarap na hapunan, haharanahin ang mga bisita ng string octet mula sa Philippine Philharmonic Orchestra. (Argyll Cyrus B. Geducos)