Makatitiyak nang malilibre sa matrikula ang ilang estudyante sa state universities and colleges (SUCs) ngayong taon matapos na isumite ng Commission on Higher Education (CHED) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Senate Bill No. 1304 o ang Affordable Higher Education for All Act.
“We commend the CHED for coming out with the IRR for the allotted budget. But our priority remains to be the passage of the Affordable Higher Education for All Act so all students in SUCs are provided free tuition,” ayon kay Senator Bam Aquino.
“We’re hoping to file a resolution and invite CHED to give the Senate a full briefing of the IRR. Kailangang klaro ito sa publiko, lalo na sa mga estudyante at sa kanilang mga magulang,” anang senador.
Ang IRR na inisyu ng CHED ay kaugnay sa P8 bilyon na nakapaloob sa 2017 budget para sa libreng tuition fee sa mga SUC.
Dahil sa limitadong budget at alinsunod sa IRR—na binuo ng CHED kasama ang Department of Budget and Management (DBM)—prioridad na makinabang sa libreng matrikula sa ngayon ang mahihirap na estudyante sa mga SUC o ang mga benepisyaryo ng mga umiiral na student financial assistance program (StuFAP).
Sinabi ni Aquino na kumpleto na ang mga kailangan para maging ganap na batas ang Affordable Higher Education Act kaya dapat na kaagad itong maaprubahan.
Sa ilalim ng kasalukuyang budget, tinatayang kalahati lang ng mga estudyante sa SUCs ang makikinabang sa libreng tuition. Ngunit kapag naisabatas ang Senate Bill No. 1304, lahat ng estudyante sa SUC ay libre na ang matrikula.
Magkakaroon din ng mekanismo para sa mga estudyanteng maykaya upang magbayad ng tuition fee. (LEONEL M. ABASOLA)