MATAPOS ang deka-dekadang maanomalyang mga transaksiyon kaugnay ng pag-aangkat ng bigas ng bansa, napipintong lansagin na ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang kartel sa bigas. Si Manny ay dating persyodista mula sa Mindanao.
Napapanahon ang krusada niya sapagkat tumapat ito sa pagkilos ng pamahalaan laban sa katiwalian sa gobyerno. Tunay ngang malaki ang hamong ito ngunit para kay Manny, karaniwan lang ito. Naipamalas na niya ang kanyang giting at tapang nang mapalayas niya ang mga rebelde at bandido sa M’lang, North Cotabato nang siya’y maging mayor dito.
May ilang sektor na sumalungat sa desisyong ipagpaliban ang pag-angkat ng bigas na maaaring makaapekto sa ekonomiya na mauuwi sa pagtataas-presyo ng bigas. Tila walang saysay ang babala at hindi ito tumutugon sa pangangailangan ng mga magsasaka na magkaroon ng mas mainam na presyo ang kanilang palay.
Ang pag-aangkat ng bigas ay ginawa nang paraan ng mga matatakaw na negosyante na kayang manipulahin ang presyo nito sa merkado. Dahil nga dito, nauna nang inirekomenda ni Piñol sa Pangulo ang paglikha ng isang task force para tugisin ang mga manipulador na hindi pa man aprubado ang kanilang import permits, ay nakaamba nang magpabagsak ng tone-toneladang bigas mula sa mga barko.
Tila minalas sila ngayon dahil gumastos na sila ng malaki pero hindi nila maibaba sa barko ang kanilang ini-smuggle na bigas. Namali yata sila ng tantiya kay Piñol at sa galaw ng gobyerno.
Ang desisyon ni Piñol na protektahan ang interes ng mga magsasaka ay maaaring daan din para makulong ang rice smugglers at hoarders. May masidhing mensahe rin ito sa mga middleman na nakikipagbangayan sa administrasyong Duterte na unawain naman nila ang kaawa-awang mga magsasaka.
Tunay nga na magsasaka lamang ang makauunawa sa nadarama ng... kapwa niya magsasaka. Ito ang pilosopiya ni Piñol na kanyang ipinatutupad upang maituwid ang tiwaling mga pamamaraan na nagpapalala sa kalagayan ng mahihirap nating magsasaka. Ang pagpugot sa mga nasa kartel ng bigas, kung maipatutupad, ay magkakaroon ng positibong implikasyon tuald ng maayos na supply ng bigas at pagbuhos ng pondo at iba pang ayuda mula sa gobyerno upang mapasigla at mapalawak ang kabuhayan sa mga sakahan.
Ang kampanya ni Piñol upang protektahan ang mga magsasaka ay tiyak na hindi ikatutuwa ng mga manipulador, mga smuggler at mga hoarders ng bigas, ngunit ikinasisiya naman ng mga magsasaka. Tamang hakbang ito para maiahon sa kahirapan ang mga biktima ng mga maling desisyong pulitikal sa nakaraan. (Johnny Dayang)