MAY posibilidad na magkaroon ng problema sa memorya ang mga taong mahilig uminom ng soda, may asukal man o wala, at magkaroon ng mas maliit na brain volumes, ayon sa dalawang pinakabagong pag-aaral.

Sa isang pag-aaral, natuklasan ng mga researcher na ang mga taong umiinom ng diet soda kada araw ay tatlong beses ang posibilidad na dumanas ng stroke o dementia sa pagkaraan ng sampung taon kumpara sa mga taong hindi umiinom nito.

Sa pangalawang pag-aaral, inilahad ng parehong researchers na ang mga taong umiinom ng diet soda araw-araw ay may mas maliit na brain volumes kumpara sa mga taong hindi umiinom nito.

Natuklasan din ng pag-aaral na ang mga taong umiinom ng mahigit sa dalawang maasukal na inumin tulad ng soda o fruit juice araw-araw ay may mas maliit na brain volumes at mas malalang memory function kumpara sa mga taong hindi uminom ng alinman sa nabanggit na inumin.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bagamat ipinapakita ng dalawang pag-aaral ang kaugnayan ng pag-inom ng diet o sugary beverage at ng mga isyung pangkalusugan, hindi nangangahulugan ang resulta na direktang dahilan ang pag-inom ng diet o sugary beverage, saad ng lead author ng parehong pag-aaral na si Matthew P. Pase, neurology researcher sa Boston University School of Medicine.

Sa unang pag-aaral, na inilathala sa journal na Stroke noong Abril 20, nakapanayam ng mga researcher ang 4,300 katao, nasa edad 45 pataas, tatlong beses sa loob ng pitong taon at tinanong kung umiinom sila ng diet o sugary beverage.

Pagkatapos ng pitong taong pag-aaral, nagsimulang i-monitor ng mga siyentista ang kalusugan ng mga kalahok kung nagkaroon ng mga kaso ng stroke at dementia, at ipinagpatuloy sa sumunod na 10 taon.

Sa panahong ito, katao ang dumanas ng stroke at 81 katao ang nagkaroon ng dementia – na kinabibilangan ng 63 kaso ng Alzheimer’s disease.

Natuklasan ng mga researcher na ang araw-araw na pag-inom ng diet beverage, hindi sugary beverage, ay maiuugnay sa mas mataas na panganib sa pagkakaroon ng stroke at dementia sa 10 taong pag-aaral.

Hindi malinaw ang rason sa likod ng natuklasan, ngunit iniuugnay ng mga dating research ang pag-inom ng diet drinks sa obesity at diabetes, na maaaring maiugnay sa hindi magandang blood circulation, saad ni Pase. Ang problema sa sirkulasyon ng dugo ay maiuugnay sa panganib sa stroke o dementia ng tao dahil nakadepende ang paggana ng utak sa magandang supply ng dugo, aniya.

Iminumungkahi ng resulta ng pag-aaral na hindi rin makabubuti ang pag-inom ng diet beverage para makaiwas sa karagdagang calories sa pag-inom ng sugary drinks, ani Dr. Paul Wright, chairman of neurology ng North Shore University Hospital sa Manhasset, New York, na hindi kasama sa pag-aaral. “The right direction to go in is to have plain water,” or other beverages that do not contain artificial sweeteners,” aniya sa Live Science. (Live Science)