Donnie

INAASAHAN ni two-division world champion Donnie ‘Ahas’ Nietes na isang inspiradong Thai boxer ang kaniyang makakasagupa sa nalalapit na laban sa harap ng sambayanan.

Nakatakdang harapin ng 34-anyos na si Nietes (39-1-4, 22 knockout) ang matikas na si Komgrich Nantapech sa isang 12-round title fight para sa bakanteng International Boxing Federation (IBF) flyweight crown bukas sa Waterfront Hotel sa Cebu.

Ayon kay Nietes, posibleng makakuha ng inspirasyon ang 27-anyos na si Nantapech sa tagumpay na natamasa ng kababayan nito na si Srisaket Sor Rungvisai na ginulantang ang mundo ng boxing sa pagkakapanalo kay pound-for-pound king Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez ng Nicaragua nitong Marso sa New York.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Ako din na-inspire kay Manny Pacquiao and Nonito Donaire noon. Sila naging inspiration ko para maging champion,” pahayag ni Nietes. “Sigurado yung Thai gaganahan dahil sa panalo nung kababayan niya kay Gonzalez.”

Unang naging world champion si Nietes noong 2007 matapos talunin via decision si Porsuan Porpramook ng Thailand para sa bakanteng WBO minimumweight crown.

Sa mga panahong iyon, dinomina na ni Pacquiao ang mga Mexican icons na sina Erik Morales at Marco Antonio Barrera habang pinatulog ng dehadong si Nonito Donaire, Jr. ang kinatatakutang flyweight kingpin na si Vic Darchinyan ng Australia.

Dahil sa panalo nina Pacquiao at Donaire ay naging inspirado si Nietes sa pagdepensa ng kaniyang 105 lbs. crown kung saan tatlo sa unang apat na title defense niya ay ginanap sa mismong balwarte ng kaniyang mga title challengers sa Mexico.

Samantala, wala nang timbang kay Nietes ang tatlong talo ni Nantapech kahit pa dalawa sa mga ito ay natapos via knockout kontra mga Filipino campaigners Albert Pagara at one-time world title challenger Froilan Saludar.

“Matagal na yun and nag-iba na kilos nung Thai. Sa huling laban niya, malaki na improvement,” ani Nietes.

Sina Nietes at Nantapech ang top-rated fighter ng IBF sa 112lbs. division na kamakailan ay binakante nang isa pang Filipino boxer na si Johnriel Casimero na nagdesisyon nang umakyat sa superflyweight class.

Main event ng “Pinoy Pride 40: Domination” ang sagupaang Nietes-Nantapech kung saan magpapasiklab din sa naturang card sina up-and-coming ALA boxers Mark Magsayo, Jeo Santisima at Junrel Jimenez laban sa foreign rival.

(Dennis Principe)