STUTTGART, Germany (AP) — Walang kupas ang kayumihan ni Maria Sharapova, higit ang husay sa tennis court.
Naitala ng Russian poster girl ang ikalawang sunod na panalo sa kanyang pagbabalik-aksiyon mula sa 15-buwang suspensiyon para makausad sa quarterfinals ng Porsche Grand Prix nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Taliwas naman ang kapalaran ni two-time defending champion Angelique Kerber, isa sa kritiko sa pagbibigay ng wild card entry kay Sharapova, na napatalsik nang silatin ni Kristina Mladenovic ng France 6-2, 7-5.
Umusad si Sharapova nang gapiin ang kababayang si Ekaterina Makarova, 7-5, 6-1.
Sa nakalipas na tatlong paghaharap, nakaiskor lamang si Mladenovic ng isang set kay Kerber, ngunit sa pagkakataong nagawa niyang madomina ang top-seeded German.
Naitala ni Sharapova ang siyam na ace para makontrol ang laro laban sa matikas na karibal. Nagawa niyang makapuntos sa tatlo sa huling apat na break points.
“Being in the quarterfinals here again is quite special,” pahayag ni Sharapova, kampeon sa indoor clay event dito ng tatlong ulit (2012-14).
“Felt I settled down a little bit. I was able to focus on the game. I executed a great plan today and I thought I was solid,” pahayag ni Sharapova, nagwagi kay Italian Roberta Vinci sa opening match.
Nasuspinde si Sharapova nang magpositibo sa ‘meldonium’ noong 2016 Australian Open, nahigit isang linggo matapos isama ang naturang gamot sa ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency (WADA). Inamin ng Russian star na ginagamit niya ang naturang gamot bilang medikasyon mahigit 10 taon na ang nakalilipas.
Dahil sa pagkawala sa Tour, nawala ang ranking ng five-time Grand Slam champion, gayundin ang pagiging No. 1. Ang pagbibigay sa kanya ng wild card entry ay lumikha ng alingasgas at batikos mula sa mga kapwa player.
Sunod na makakaharap ni Sharapova si 73rd-ranked Anett Kontaveit ng Estonia para makahirit ng puwesto sa semifinals.
Mapapalaban naman si Mladenovic kay Carla Suarez-Navarro, nagwagi kay Russian Elena Vesnina, 6-2, 6-4.
Nakaabante rin si second-seeded Karolina Pliskova nang gapiin si American CoCo Vandeweghe 7-6 (2), 6-4. Makakaharap niya si Laura Siegemund sa quarterfinals, nagagi kontra 2009 champion Svetlana Kuznetsova 6-4, 6-3.
Ginapi naman ni Anastasija Sevastova si sixth-seeded Johanna Konta 6-3, 7-5 para maisaayos ng duwelo kay Simona Halep.