NASA 50 micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Negros Occidental ang nakakuha ng libreng franchising seminar na hatid ng Department of Trade and Industry, sa Bacolod City kamakailan.

Inihayag ni Lea Gonzales, provincial director ng Department of Trade and Industry-Negros Occidental, na natutuhan ng mga nakibahaging negosyante ang konsepto ng franchising, kabilang ang responsibilidad ng franchisor at franchisee pati na rin ang mga kailangan sa pagkuha ng franchise.

Isa ang franchising sa mga paraan para malawak at mapaunlad ang negosyo, saad ni Gonzales, dagdag pa na maganda ang kita dito lalong-lalo na kung maganda ang produkto.

“We are really encouraging local businesses, especially those with products that are ready for franchise, to venture into the franchising system as means of business expansion,” aniya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tinalakay sa mga kalahok ng franchising expert na si Armando Bartolome, na resource speaker ng seminar, ang mga paraan at estratehiya kung paano magsisimula ng negosyo.

Nagbigay pa ng payo si Bartolome, isa sa mga “angelpreneurs” ng Go Negosyo, o mga negosyanteng nagboboluntaryo para tulungan ang mga tao sa buong bansa, kung paano makakukuha ng magandang franchise business.

Inilahad din niya ang mga kasalukuyang pagsubok at mga oportunidad sa sektor ng franchising.

Tinulungan na ni Bartolome ang iba’t ibang negosyante, na ang mga negosyo ay kilala na ngayon sa bansa, gaya ng Julie’s Bakeshop, Generika Drugstore, Gingersnaps, Fiorgelato Ice Cream, Potato Corner, Laybare Waxing Salon, Lots’ A Pizza, Mang Inasal, Brothers Burger, Ahead Tutorial and Review Center, Freska Ilonggo Seafood, at 880 iba pang brand.

Samantala, ibinahagi naman ng Department of Trade and Industry-Negros Occidental na bukod sa franchising seminar, patuloy na nagpapatupad ang kagawaran ng iba pang mga hakbangin upang maisulong ang pagpapalaki at pagpapalawak ng mga negosyo sa probinsiya. (PNA)