Tatlong tama ng bala sa ulo at katawan ang tumapos sa buhay ng isang 42-anyos na barker matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa Pateros, nitong Miyerkules ng gabi.
Dead on the spot si Bernard Reynoso, alyas “Barok”, ng No. 53-S Tuazon Street, Barangay Poblacion ng naturang munisipalidad.
Sa ulat ni Pateros Police chief Senior Supt. Joel Villanueva, dakong 7:15 ng gabi nangyari ang pamamaril sa Tuazon St., Bgy. Poblacion.
Abala umano sa pagtatawag ng pasahero si Reynoso nang biglang lapitan ng mga armadong suspek at pinagtulungang barilin.
Sa kabila ng sugat na tinamo ay nagawa pang makatakbo ni Reynoso, ngunit hinabol pa rin siya ng mga salarin at nang maabutan ay muling binaril sa ulo.
Napag-alaman na kilala si Reynoso sa paggamit at pagbenta ng ilegal na droga sa kanilang lugar at kabilang sa drug watch list ng pulisya. (Bella Gamotea)