Nagpahayag ng interes ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na mamuhunan sa proyektong pang-imprastruktura ng Pilipinas, sinabi kahapon ni Transportation Secretary Arthur Tugade.
Ayon kay Tugade, sa press conference sa ASEAN International Media Center, dalawang ASEAN member state, ang Indonesia at Malaysia, ang interesado na makipagtulungan sa pagpapaunlad sa bansa.
Aniya, sa pagpapasinaya sa unang maritime RORO operation sa pagitan ng Indonesia at Davao nitong Linggo, nais ng Malaysian minister of transportation na gawin din ito, ngunit sa pagkakataong ito ay mula sa Palawan hanggang sa isa sa mga pantalan sa Malaysia.
Idinagdag ni Tugade na nais din ng Malaysia na bumuo ng MRT project mula sa University of the Philippines Diliman sa Quezon City hanggang sa Quiapo sa Maynila ngunit patuloy pa itong pinag-aaralan.
“What does this tell you? It tells you that our ASEAN members are really keen in the development that are ongoing in the country,” aniya.
Bukod sa ASEAN member-states, sinabi ni Tugade na nais din ng China at Japan na makiisa sa proyekto, hindi lamang sa tren at kalsada, kundi maging sa paliparan.
Ayon pa kay Tugade, nakatakda siyang makipagkita sa isang grupo ng mga negosyante ng Russia kasama ang vice minister of Russia sa Huwebes. (Argyll Cyrus B. Geducos)