ANG Pagasa Island, tinatawag ding Thitu Island, ay nasa 480 kilometro sa kanluran ng timog-kanluran ng Palawan.
Dating base-militar, binuksan ito sa mga sibilyan noong 2002. Sa ngayon, mayroon nang komunidad ng mga pamilya ng mangingisda sa isla, at mayroon na ring sariling alkalde. Itinuturing na itong bahagi ng lalawigan ng Palawan.
Binisita nitong Biyernes nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Armed Forces chief of staff Gen. Eduardo Año ang Pagasa Island. Sa isla, inihayag ng kalihim na naglaan ang gobyerno ng P1.6 bilyon para sa pagpapagawa ng isang fishport, pagpapaganda ng runway at ng tirahan ng mga sundalong nakaistasyon sa isla, at pagpapagawa ng marine research at tourist centers.
Habang patungo sa isla nitong Biyernes, pinigilan ng puwersang Chinese ang eroplanong kinalululanan nina Secretary Lorenzana at General Año, pinagbawalang dumaan sa lugar na maraming bagong istruktura ang China sa kalapit na Subi Reef. Ngunit binalewala lamang ng mga eroplano ng Pilipinas ang nasabing babala at nagpatuloy sa paglipad patungong Pagasa. Kinabukasan, sa isang pahayag na ipinalabas ni Foreign Ministry Spokesman Lu Kang ay sinabi ng gobyerno ng China na ito ay “gravely concerned and dissatisfied” sa nangyari.
Isa ang Pagasa sa sampung isla na matagal na nating inookupa sa bahagi natin sa South China Sea, na pinangalanan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III bilang West Philippine Sea noong 2012. Ibinatay ng China ang pag-angkin nito sa karagatan sa nine-dash line nito sa palibot ng South China Sea na ibinase naman sa isang sinaunang mapang Chinese.
Inaangkin ng China ang buong lugar—kabilang ang mga islang naroon, at iginiit na ang soberanya nito sa lugar ay hindi mapasusubalian.
Tinanggihan ang sinasabing nine-dash-line, inaangkin ng Pilipinas — gayundin ng Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan — ang ilang isla sa lugar. Taong 2012 nang naghain ang administrasyong Aquino ng kaso sa United Nations Arbitral Court, na noong 2016 ay nagdesisyong walang basehan ang pag-aangkin ng China. Pinili naman ni Pangulong Duterte na pansamantalang isantabi ang pasyang ito ng korte na pumabor sa atin, sa kaalamang haharangin lamang ng China ang anumang oposisyon sa iginigiit nitong soberanya at wala sa posisyon ang Pilipinas upang manindigan sa inaangkin nitong teritoryo.
Ang pagbisita ni Secretary Lorenzana sa isla ay sumisimbolo ng bagong kabanata sa estratehiya ng Pilipinas sa mga inaangkin nitong teritoryo sa South China Sea/West Philippine Sea. Nagtungo siya at si General Año sa Pagasa nitong Biyernes, simpleng binalewala ang pagtatangka ng China na itaboy sila — na isang malaking panganib sa kanilang kaligtasan — at inihayag ang paglalaan ng P1.6 bilyon para sa pagpapaganda sa isla, tulad ng ayuda ng gobyerno sa mga munisipalidad sa Pilipinas.
Walang binanggit ang kalihim tungkol sa desisyon ng Arbitral Court; nagpapaganda lamang tayo ng isang komunidad ng mga Pilipino, nagkakaloob ng pondo para sa isang bayan ng Pilipinas. Malinaw na patuloy na naninindigan ang ating pamahalaan sa deklarasyon ni Pangulong Duterte na hindi niya gagamitin ang nasabing pasya ng korte upang igiit ang pag-angkin natin ng teritoryo laban sa China.
Sa paghaharap-harap ng mga pinuno ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Maynila ngayong linggo, inaasahang tatalakayin nila ang matagal nang panukala para sa isang Code of Conduct para sa mga bansang may inaangkin sa South China Sea. Hindi ito isang legal na solusyon — ngunit dapat itong makatulong upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon hanggang sa mapagkasunduan ng lahat ang isang permanenteng solusyon sa problema.