Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) makaraang mapaulat na may isang mataas na opisyal ng pulisya na kasabwat umano ni Supt. Maria Cristina Nobleza sa pagbibigay ng proteksiyon sa teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).
Sinabi kahapon ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, na nasampahan na ng illegal possession of firearms and explosives materials si Nobleza kaugnay ng pagsalakay sa bahay nito sa Malaybalay City, Bukidnon.
Inihahanda naman ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP ang mga kasong administratibo laban kay Nobleza, kabilang ang conduct unbecoming of a PNP officer at grave misconduct.
Napaulat na kakasuhan din ng obstruction of justice at disobedience to a person in authority si Nobleza.
Samantala, sinabi kahapon ni Police Regional Office (PRO)-7 Director Chief Supt. Noli Taliño na sa imbestigasyon nila kay Nobleza ay iginiit ng huli na gumaganap lamang siya sa kanyang trabaho, bagamat wala naman itong maiprisintang operation plan.
Sa unang panayam, sinabi ni Nobleza na nasa Bohol siya para magbakasyon, pero kalaunan ay inamin niya umanong tinangka nila ng nobyong si Rennour Lou Dongon, miyembro ng ASG, na iligtas ang isang Saad, na nasugatan sa engkuwentro ng militar sa Abu Sayyaf sa Clarin, Bohol.
Ayon pa kay Taliño, inamin sa pulisya ni Dongon na ipinadala siya sa Bohol upang maghatid ng mga gamot at supplies sa mga miyembro ng ASG na naipit sa mga bayan ng Inabanga at Clarin sa lalawigan.
Kinumpirma rin ni Taliño na kasama sa iimbestigahan ng PNP ang dating asawa ni Nobleza na si Senior Supt. Alan Nobleza, police attaché sa Pakistan at miyembro ng PNPA Class 1991.
Ayon kay Taliño, taong 2010 pa annulled ang kasal ni Nobleza pero ginagamit pa rin nito ang apelyido ng asawa.
Taong 2013 naman nang magkakilala sina Dongon at Nobleza, nang ang huli ay miyembro pa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na umaresto noon kay Dongon. Nakakulong sa Camp Crame si Dongon nang magkakilala sila roon ni Nobleza.
Kinukumpirma rin ng PNP ang napaulat na naikasal na sa Muslim rites sina Nobleza at Dongon.
(May ulat ni Mars W. Mosqueda, Jr.) (FER TABOY)