SA pagkakaaresto kay Police Superintendent Maria Cristina Nobleza, nais kong maniwala na may pagsasabwatan ang ilang alagad ng batas at ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).

Ang naturang lady official ng Philippine National Police (PNP), kasama ang sinasabing ASG bandit na nakilala sa pangalang Renierio “Kudri” Dongon na isang bomb expert, ay nadakip kamakailan nang tangkain nilang umiwas sa isang checkpoint sa Clarin, Bohol.

Maliban sa pananatili ngayon nina Nobleza at Dongon sa custodial center ng PNP sa Camp Crame, hindi ko na tatangkaing busisiin ang mga detalye ng pagkakaaresto sa kanila. Nais ko lamang bigyang-diin na ang pagsasabwatan – ang masalimuot na sistema na nagiging dahilan ng pagkakanulo at pagdanak ng dugo – ay talamak hindi lamang sa ASG kundi maging sa iba pang grupo ng mga rebelde. Hindi ba maging sa nakadududang mga transaksiyon sa gobyerno at sa pribadong sektor ay kinakasangkapan din ang nabanggit na kasumpa-sumpang estratehiya?

Ngayon ko nalinawan ang mga haka-haka na ang mga bandidong ASG ay nakapamamayagpag sa kanilang kidnap-for-ransom operation dahil sa mistulang pagkakanlong sa kanila ng ilang opisyal ng local government units (LGUs), lalo na ng kanilang mga kaanak. Hindi kaya kasapakat din ng ASG ang ilang tauhan ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakadestino sa mga lugar na pinamumugaran ng mga bandido?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kabilang ako sa mga naniniwala na ang mga bandidong ASG ay hindi makagagala sa kanilang area of operation, lalo na sa mga tourist spots na dinadayo ng mga turista, kung walang proteksiyon ng sambayanan. Sa ganitong sitwasyon nakaangkla ang kawikaang “sleeping with the enemy.” Ibig sabihin, ang ilang taumbayan, kabilang na ang ilang alagad ng batas at ang sinasabing mga kaaway ay mistulang magkasiping sa pagtulog.

Kahit na si Zulkifi bin Hir alias Marwan – ang Malaysian terrorist bomb maker na sinasabing utak ng Bali bombings na ikinamatay ng mahigit 200 katao – ay kinandili sa Maguindanao dahil sa pagsasapakatan ng magkakaalyadong rebelde ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Mabuti na lamang at siya ay napatay, halos kasabay ng karumal-dumal na Mamasapano massacre sa nasabing lalawigan.

Naniniwala ako na talamak din ang pagsasabwatan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at ng kanilang mga kapanalig. Malaya silang nakalilikom ng revolutionary taxes dahil sa pagkunsinti ng mismong mga mamamayan.

Hindi ba may pagsasabwatan din sa kaliwa’t kanang pangungulimbat ng salapi ng bayan, lalo na noong halos pag-agawan ang bilyun-bilyong pisong pork barrel funds?

Habang umiiral ang masamang sistemang ito, naniniwala ako na mabibigo ang Duterte administration sa pagtatamo ng katahimikan sa Mindanao at sa pagsugpo ng kurapsiyon sa gobyerno. (Celo Lagmay)