NAKAANTABAY ang mundo sa halalan sa France upang malaman kung naimpluwensiyahan na rin ang ibang mga bansa ng populist, protectionist, at anti-globalization trend sa United States (US) at United Kingdom (UK).

Nahalal sa Amerika si Donald Trump dahil sa kanyang pangangampanya para sa “America First” at kontra sa imigrasyon.

Bumoto naman ang UK of Great Britain and Northern Ireland upang talikuran ang European Union sa “Brexit.” Sa eleksiyon sa France, sinusubaybayan ang pangangampanya ng far-right candidate na si Marine Le Pen gaya ng kung paanong tinutukan ang tradisyong makabayan at maka-awtonomiya ni Trump sa Amerika at ng Brexit sa UK.

Sa pagtatapos ng unang bahagi ng botohan nitong Lunes, pinangunahan ng centrist at pro-Europe candidate na si Emmanuel Macron, sa 23.9 na porsiyento, ang mga boto. Dikit naman ang laban ni Le Pen sa 21.4 na porsiyento.

Nangulelat naman ang mga kandidato ng mga karaniwang partido pulitikal na Socialists at Republicans, gayundin ang Communists.

Ang dalawang pangunahing kandidato — sina Macron at Le Pen — ay sasabak naman sa susunod na bahagi ng halalan sa France. Ngayong dadalawa na lamang ang kandidato, ang sinumang manalo ay tatanghaling mayorya sa mga boto. Ang mga talunang partido — ang Republicans, Socialists, at Communists — ay nagsisipanig na ng kani-kanilang puwersa sa kung sino man kina Macron o Le Pen.

Bukod sa sinusubaybayan ng mundo ang halalan sa France upang malaman kung magtutuluy-tuloy ang populist movement na nalantad sa pagkakahalal ni Trump sa Amerika at sa pagtiwalag ng Britain sa European Union, dapat din itong tutukan ng sarili nating mga opisyal dito sa Pilipinas bilang mahusay na halimbawa ng pagtalakay sa mga pangunahing usapin tuwing may eleksiyon — sa halip na isang personal na paligsahan na tuwina’y itinatampok sa eleksiyon sa Pilipinas.

Walang halaga ang mga partido tuwing may halalan sa Pilipinas. Ang mga ito ay mga pansamantalang pagbubuklod at alyansa na walang aktuwal at tunay na pilosopiya o ideyolohiya bilang partido. Kaya naman bumoboto ang mamamayan batay sa personalidad, para sa mga indibiduwal na kandidato. Inaasam natin ang araw kung kailan mas malaki ang gagampanang papel ng mga partido pulitikal sa paghahalal sa Pilipinas upang ang pamahalaan ay pangasiwaan ng mga opisyal na may iisang opinyon sa mahusay na pamamahala.

Isa pang punto ang dapat na bigyang-diin sa eleksiyon sa France — ang pagdaraos ng botohan sa pagitan ng dalawang nangungunang kandidato upang makuha ng magwawagi ang mayorya ng mga boto. Walang presidente sa Pilipinas na nagtamo ng mayoryang panalo ng mga boto sa nakalipas na 25 taon. Dahil sa dami ng mga kumandidato sa pagkapresidente mula sa iba’t ibang partido pulitikal, lagi nilang nahahati ang mga boto kaya walang nakakakuha ng mayorya ng 50 porsiyento ng mga boto.

Ang run-off election na gaya ng sa France ang magbibigay ng solusyon sa problemang ito.