Umapela ang pamilya ng convicted drug courier na si Mary Jane Veloso kay Pangulong Duterte na humingi ng clemency para sa nakakulong na Pinay worker sa pagkikita nila ni Indonesian President Joko Widodo sa Biyernes.

Nagtungo kahapon ng tanghali sa Malacañang si Celia Veloso, ina ni Mary Jane, upang humingi ng tulong sa Presidente para mailigtas ang kanyang anak sa death row.

Sinamahan si Veloso ng mga opisyal ng Migrante International sa pakikipagpulong sa Presidential adviser for overseas Filipino workers na si Abdullah Mamao sa Malacañang kahapon. Humihiling ang grupo na pagkalooban ng executive clemency si Veloso at ang iba pang overseas Filipino workers na nasa death row.

“Nagmamakaawa ako sa kanya (Duterte), nakikiusap po ako sa kanya. Alam ko po na galit siya sa droga. Ako rin galit sa droga, pero iba naman ang kaso ni Mary Jane. Si Mary Jane ay biktima lang po,” sabi ni Veloso nang makapanayam ng media.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Ipaglaban niya muna. Alamin nila ang buong katotohanan. Kung talagang mapatunayan nila na si Mary Jane ang may kasalanan, matatanggap ko,” dagdag niya.

Nakatakdang makipagpulong ang Pangulo sa kanyang Indonesian counterpart sa Malacañang bukas. Si Widodo ay mayroong state visit sa Maynila bago dumalo sa 30th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit.

(Genalyn D. Kabiling)