Nasa 3,700 piraso ng iba’t ibang klase ng corals at iba pang marine species na ilegal na ibinebenta sa Cartimar sa Pasay City ang nakumpiska sa pagsasanib-puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at National Bureau of Investigation (NBI) nitong nakaraang linggo.
Aabot sa kabuuang 3,788 piraso ng matigas at malambot na corals, coral stones at pebbles ang nasamsam ng NBI- Environmental Crime Division at law enforcement group ng BFAR.
Pitong tindahan ang bistado sa pagbebenta ng corals.
Bukod sa corals, nakuha rin ng awtoridad ang 14 na seahorse, 34 na malaking kabibe, at dalawang helmet shell.
Nagsampa na ng kaso ang NBI laban sa mga nagtitinda.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nakuha ang mga corals sa Lubang Island sa Occidental Mindoro.
(ELLALYN DE VERA-RUIZ)