MISTULANG nasiyahan si Pangulong Duterte sa kanyang paglilibot sa loob ng “Varyag”, ang guided missile cruiser ng Russian Navy, nitong Biyernes habang nakadaong ito sa Manila South Harbor. Kasama sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., inilibot siya sa barko at ibinida sa kanya ang iba’t ibang missile system nito. Sa pagtatapos ng pagbisita, buong lugod na nagpakuha ng larawan kasama niya ang mga opisyal ng Russia habang ginagaya ang nakakuyom ang kamaong pagsaludo ng Presidente.
Isa itong nakapakainit na pagbisita at pagtanggap, epektibong paghahanda para sa pagtungo ng Pangulo sa Moscow sa susunod na buwan. Inaasahang lalagdaan ang isang kasunduan sa pagtutulungan ng depensa sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Mayo 25, magbibigay-daan sa pagtutulungan para sa mga aktibidad na magiging kapaki-pakinabang para sa dalawang bansa, gaya ng pagsasanay at pagpapalitan ng mga impormasyon. Walang inaasahang alyansang militar. “There’s a long way to go, but it can come later,” sabi ni Esperon.
Matagal nang ipinahayag ni Pangulong Duterte ang kagustuhan niyang magkaroon ng mas malapit na ugnayan sa Russia at China, kahit pa binatikos niya si dating United States President Barack Obama dahil sa mga komento nito laban sa kampanya ni Duterte kontra droga at sa serye ng mga pagpatay. Sa isang pag-uusap sa telepono, hindi pinulaan ni bagong US President Donald Trump ang mga programa ng ating pamahalaan at ikinalugod ito ni Duterte.
Noong nakaraang linggo, inihayag ng Amerika na magtutungo si President Trump sa Maynila sa Nobyembre ngayong taon upang dumalo sa ASEAN Leaders Summit at sa East Asia Summit na pangangasiwaan ng Pilipinas. Magsasama-sama sa East Asia Summit ang mga presidente at prime minister ng 18 bansa—ang 10 bansang bumubuo sa ASEAN, kasama ang Amerika, Russia, China, India, Japan, Australia, New Zealand, at South Korea.
Inaasahang tatalakayin ang mga pandaigdigang usapin sa pagpupulong ng 18 bansa, kabilang ang kaguluhang kinasasangkutan ng Islamic State sa Gitnang Silangan at Europa at sa nagpapatuloy na refugee crisis na bunga ng karahasang ito. Mahalaga ang gagampanang tungkulin ng Pilipinas bilang punong abala sa pagpupulong na ito ng 18 bansa.
Sa unang pagkakataon, magkakaharap sina Pangulong Duterte at President Trump sa summit sa Nobyembre, at sa kanilang pag-uusap ay matutukoy natin ang kahihinatnan ng hinaharap—kahit sa mga susunod na taon man lang — ng ugnayan ng Pilipinas at Amerika. Posibleng si Pangulong Duterte at si President Trump — dalawang pinuno na katatapos lamang mahalal upang pamunuan ang kani-kanilang bansa — ay makasumpong ng pagkakaunawaan sa kanilang paghaharap na magkakaroon ng malawakan at pangmatagalang epekto sa pananaw ng ating bansa sa mundo sa kabuuan, at partikular na sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika.