ISULAN, Sultan Kudarat – Pinaigting pa ang pagpapatupad ng seguridad ng pulisya at militar sa mga estratehikong lugar sa Maguindanao, South Cotabato, North Cotabato, Sultan Kudarat at GenSan City kasunod ng mga ulat na nagpulong umano kamakailan ang mga teroristang grupo ng Abu Sayyaf Group, Maute terror group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Tiniyak ni Western Mindanao Command (WestMinCom) commander, Lt. Gen. Carlito Galvez na kontrolado ng militar at pulisya ang sitwasyon sa nabanggit na mga lugar, at handang tumugon sa anumang reklamo laban sa gawaing terorismo.
Ito ay kasunod ng pagsalakay ng 50 armadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa isang presinto sa Parang, Maguindanao makaraang masakote si Kumander Hadji Solaiman sa illegal possession of firearms.
Nakaalerto rin ang Sultan Kudarat Police dahil sa pagkakadakip ng dalawa pang MILF member sa magkasunod na pambobomba kamakailan sa Tacurong City, na ikinasugat ng 16 na katao. (Leo P. Diaz)