Nadiskubre ng pulisya ang mga gamit sa paggawa ng bomba at ilang dokumento na inilarawan nitong may kinalaman sa terorismo nang salakayin ang bahay ng babaeng police colonel na inaresto sa Bohol sa pagtatangkang iligtas ang mga naipit na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-10, pinagtibay ng mga gamit na nasamsam sa bahay ni Supt. Maria Christina Nobleza sa Malaybalay City, Bukidnon, ang una nilang hinala na may kaugnayan ang opisyal sa teroristang grupo.

“She has links (with the Abu Sayyaf). The operation is a result of the implementation of a search warrant,” sabi ni Gonda, sinabing ang raid ay kasunod ng pagkakadakip kay Nobleza sa Clarin, Bohol nitong Sabado.

Matatandaang inaresto si Nobleza at ang nobyo niyang si Reenor Lou Dungon makaraang magtangkang tumakas sa police-military checkpoint sa Clarin nitong Sabado, ilang oras matapos ang bakbakan na ikinasawi ng apat na miyembro ng ASG.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nadakip din umano mula sa loob ng sasakyan na sinasabing kay Nobleza ang isang matandang babae na ang mga anak na babae ay kasal sa matataas na opisyal ng ASG at isang 13-anyos na anak ng isa sa mga leader ng grupo.

Ayon kay Gonda, nasamsam ng mga pulis ang isang M16 rifle, isang .45 caliber pistol, isang timer na pinaniniwalaang gamit sa paggawa ng bomba, panghinang, 66 na non-electric blasting cap, isang battery at isang tester, bukod pa sa mga subersibong dokumento.

Patung-patong na kasong kriminal at administratibo ang inaasahang isasampa laban kay Nobleza, na napaulat na sinibak na sa puwesto kahapon.

Kahapon ng umaga, naibiyahe na patungong Camp Crame sina Nobleza at Dungon makaraang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) galing sa Tagbilaran, Bohol pasado 9:00 ng umaga.