Nagbabala kahapon ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibleng pagpasok sa bansa ng isang bagyong nasa bisinidad na ng Philippine area of responsibility (PAR).
Sa weather advisory ng PAGASA, ang naturang sama ng panahon ay huling namataan sa layong 1,300 kilometro ng silangang Visayas at posible itong pumasok sa PAR sa loob ng 24 oras.
Taglay nito ang hangin na may lakas na 55 kilometers per hour (kph) at bugsong 65 kph at kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 11 kph.
Ayon sa PAGASA, sakaling pumasok sa bansa, tatawagin itong bagyong ‘Dante’ na ikaapat na bagyo sa Pilipinas ngayong taon.
Samantala, nagdulot ng pitong oras na brownout sa North Cotabato ang malakas na hangin at matinding buhos ng ulan sa lalawigan.
Ayon kay Engr. Godofredo Homez, general manager ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco), nagsimulang mawalan ng kuryente nang matumba ang puno ng Durian sa linya ng kuryente sa Barangay Magsaysay, bandang 4:30 ng hapon nitong Lunes.
Gayunman, bigo ang kanilang mga tauhan na maibalik ang kuryente matapos alisin ang nabuwal na puno at ibalik ang linya ng kuryente. - Rommel P. Tabbad at Malu C. Manar