Dalawang lalaki ang magkasunod na nasawi dahil sa heat stroke sa Echague, Isabela.
Ayon sa report kahapon ng Echague Municipal Police, kapwa nasawi sa heat stroke sina Lito Pascua, 33, taga-Barangay San Manuel; at Marlon Daguro, magsasaka, ng Bgy. Ipil sa Echague.
Nagpaalala naman ang Nueva Ecija Provincial Health Office (PHO) kung paano maiiwasan ang nakamamatay na heat stroke ngayong tag-init.
SINTOMAS
Ayon kay Dr. Benjamin Lopez, provincial health officer, ang heat stroke na itinuturing na pinakamatinding uri ng sakit sa puso na nangyayari kapag hindi na kinaya ng puso ang sobrang init na nauwi sa dehydration.
Sinabi ni Lopez na kabilang sa mga sintomas ng heat stroke ang mainit na temperatura ng katawan, pamumula ng balat, pagkahimatay, pagkahilo, panghihina, sakit ng ulo, lagnat na hanggang 41 degrees, mabilis na tibok ng puso, at kumbulsiyon.
PAANO MAKAIIWAS?
Payo ni Lopez, kapag nakaramdam ng mga nabanggit na sintomas ay kaagad na sumilong sa malilim na lugar, itaas ang paa, uminom ng tubig, maghubad ng damit pang-itaas at magpunas ng basang bimpo.
Makatutulong din, aniya, kung tututukan ng electric fan ang pasyente at lalagyan ng ice packs sa magkabilang kilikili o kamay.
Ngayong tag-init, ayon kay Lopez, pinakamainam na magpayong laban sa sikat ng araw, magsuot ng preskong damit, laging uminom ng tubig, at iwasan muna ang pag-inom ng kape, tsaa, softdrinks at alak.
Iwasan din ang pagkakalantad sa matinding sikat ng araw sa pagitan ng 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
(Fer Taboy at Light Nolasco)