HALOS kalahating milyong lokal at dayuhang mga turista ang nagtungo sa Ilocos Norte nitong nakaraang Mahal na Araw, na nagtala ng limang porsiyentong pagtaas kumpara sa 452,155 turistang namasyal sa probinsiya noong nakaraang taon, ayon sa ulat ng Ilocos Norte Tourism Office na inilabas nitong nakaraang Biyernes.
Kumpara noong nakaraang taon nang nagkaroon ng kakulangan sa food supply ang ilang food establishment at restaurant dahil sa mahabang pila ng mga bisita na naghintay para makapag-order ng pagkain, ibinunyag ng Ilocos Norte Tourism Office na mas napaghandaan ang pagdagsa ng mga turista ngayong taon sa tulong ng sama-samang pagsisikap ng lahat ng kinauukulang grupo.
Ayon kay Xavier Ruiz ng Ilocos Norte Tourism Office, na-monitor ang kabuuang 472,989 na day tourist ng mga tourism aide na nakatalaga sa 42 tourism destination. Ang day tourist ay tumutukoy sa mga bumisita sa Ilocos Norte na hindi nanatili ng isang gabi sa mga hotel at iba pang kaugnay na establisyemento.
Samantala, iniulat ni Ruiz na nasa 24% ang pagtaas sa accommodation registry mula sa 66,024 noong 2015 sa 82,000 ngayong taon.
Ilang linggo bago sumapit ang Semana Santa, iniulat na halos lahat ng mga hotel, homestay, at iba pang accommodation facilities ay fully-booked na.
Nanguna sa may pinakaraming bisita noong Mahal na Araw ang tanyag na Bangui windmills – ang una sa Southeast Asia – na pinuntahan ng 119,840; kasunod ang UNESCO World Heritage Site na St. Augustin Church sa Paoay, Ilocos Norte, 54,015; Batac Riverside Empanada at Immaculate Concepcion Church, 42,035; Blue Lagoon sa Balaoi ng Pagudpud na may 30,048 bisita.
Bumaba naman ang mga bumisita sa Marcos Presidential Center and Museum na tumanggap ng ng 4,648 kumpara sa 39,012 noong 2016 na hindi pa inililibing si dating Pangulo Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
“Ilocos Norte’s steady peak of tourist arrivals only shows that we are doing well in promotions,” saad ni Ilocos Norte Tourism Office head Ianree Raquel. Gayunman, inamin niya na humarap din sila sa ilang problema sa pagdagsa ng mga turista tulad ng pagpapanatili at pagsasaayos ng kanilang mga toilet facility.
Nagpasalamat din si Raquel sa iba’t ibang public at private tourism stakeholder dito sa lungsod ng Laoag sa kanilang patuloy na pakikipagtulungan sa pamahalaan ng Ilocos Norte. (PNA)