Itinaas ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa sa full alert status ang puwersa ng pulisya upang tiyakin ang seguridad sa gaganaping 30th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, sa Abril 26 hanggang 29.

“I am declaring a full alert status starting today hanggang matapos ang ASEAN Summit,” pahayag ni Dela Rosa sa flag-raising ceremony kahapon.

Inatasan niya ang lahat ng commander na magsagawa ng pagbibilang tuwing umaga at hapon.

“I’m requiring all of you to be present all the time. Standby tayo dito ready for any eventuality kung kailangan ang inyong participation,” sabi ng PNP chief.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Umaasa si Dela Rosa na makapagtatala ng “zero incident” sa panahon ng summit, at inutusan ang pulisya na higpitan ang pagmamanman.

“Kung may makuhang report, share it with proper channel para ‘yung actionable information na masagap ay maaksiyunan natin,” bilin niya.

MAGDASAL

Nananawagan naman ang mga lider ng Simbahang Katoliko na ipagdasal ang tagumpay at kaligtasan ng ASEAN Summit at ng mga delegado nito.

“Pray. Be vigilant,” panawagan ni Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez.

Bukod sa pagdarasal, hinimok din ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mga deboto na tumulong upang maging matagumpay ang okasyon at huwag nang magdagdag sa problema sa trapiko. “We can avoid perhaps areas that will worsen the traffic problem that we have,” aniya.

Gaganapin ang ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. Dadaluhan ito ng mga head of state ng 10 kasaping bansa – Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam, at Pilipinas.

BOLKIAH, WIDODO

Todo na rin ang paghahanda para sa state visit nina Indonesian President Joko Widodo at Sultan Haji Hassanal Bolkiah Mu’izzaddin Waddaulah, ang Sultan at Yan Di-Pertuan ng Brunei Darussalam ngayong linggo bago ang pagpupulong ng mga lider ng ASEAN sa Abril 29.

Nakatakda ang state visit nina Widodo at Bolkiah sa Abril 27 at Abril 28, ayon sa pagkakasunod.

“The President looks forward to meeting His Majesty the Sultan and President Widodo, respectively, to build on the gains achieved during President Duterte’s visits to Bandar Seri Begawan and Jakarta,” sabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella. (Fer Taboy, Leslie Ann Aquino at PNA)