MAAARING ito ay napapanahong ideya – ang paghahalal ng Metro Manila governor, sa halip na itinalagang Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman na hindi maipatupad ang kanyang mga pamamaraan sa mga halal na municipal at city mayors sa capital region ng bansa.

Maaaring may iba’t ibang sanhi ang krisis sa trapiko sa Metro Manila, pero tiyak na ang isa sa mga ito ay ang kawalan ng sentral na awtoridad na bubuo ng mga plano at implementasyon ng komprehensibong programa sa transportasyon para sa Kamaynilaan. Ang mga alituntunin ay magkakaiba sa magkakatabing siyudad at bayan, halimbawa, sa “windows” kapag ang motorista ay may banned number-coding license plate at lalabas sa kalsada. Pumapayag din ang ilang mayor na gawing paradahan ang ilang kalsada samantalang hindi naman komporme ang iba pa.

Si Rep. Lito Atienza, na dating mayor ng Manila, ay nagpasa na ng panukalang batas, ang HB 4758, para sa Act Creating the Metropolitan Manila Government, na pamumunuan ng halal na gobernador, na papalit sa MMDA na ang chairman ay itinatalaga ngayon ng Presidente.

Ang ideya sa regional authority ay nagsimula noong 1973, nang likhain ni Pangulong Marcos ang Metro Manila Commission. Sa pamumuno ni First Lady Imelda Marcos bilang chairman at sa ilalim ng umiiral na pamamalakad nang panahong iyon – martial law – ang komisyon ay naging epektibo , sabi ni Atienza.

Pero sa kasalukuyan, ang elected city mayors ng Metro Manila ay mapanibughuing sa kanilang kapangyarihan at hindi kaagad ito maisuko sa mga panukala ng itinalagang MMDA governor. Maraming suliranin na kinakailangang talakayin at pagplanuhan kung paano lulutasin, tulad ng mga pagbaha, suplay ng kuryente at tubig, sunog, basura, at, higit sa lahat, trapik. Pero sa kasalukuyang sistema, ang bawat alkalde at bawat local government ay kinakailangang pagtuunan ng pansin ang mga problema sa kani-kanilang siyudad.

Ang ibang megacity sa mundo tulad ng New York at Tokyo ay mayroong mga gobernador na inihahalal ng mamamayan. “These are megacities which used to have traffic problems like ours which they were able to manage effectively with a governor elected by the people, answerable and accountable to the people,” sabi ni Atienza.

Ang pinakabuo ng problema ay ang kawalan ng pananagutan sa kasalukuyang sistema ng MMDA na mayroon lamang appointed na governor. Ang inihalal na gobernador, sabi ng congressman, ay mas magiging sensitibo sa mga kinakailangang isagawa at kung paano makikipagtulungan sa mga mayor.

Ang panukala ay hindi kabilang sa priority bills ng bagong administrasyon. Hindi ito pangunahing adbokasiya tulad ng pederalisasyon at reporma sa buwis. Subalit ang paglutas sa trapiko sa Metro Manila na maraming taon nang problema ay matagal nang naghihintay ng solusyon at wala pa ring katugunan bukod sa paghingi ng special powers mula sa Congress.

Maaaring napapanahon nang subukan ang iminumungkahing structural solution ni Congressman Atienza – ang MMDA na mayroong elected chairman na sapat ang malasakit at kapangyarihan sa paglutas ng mga problema.