ANG iniibig nating Pilipinas ay binubuo ng mahigit pitong libong isla o pulo na nakakalat sa iba’t ibang lalawigan.
Nasa gitna at tabi ng dagat na malinaw at mangasul-ngasul ang tubig. Maputi at maganda ang buhangin ng mga dalampasigan. May dalampasigan din na tila repinadong asukal na puti ang pinong buhangin tulad sa Boracay, Aklan.
Tuwing tag-araw, dagsa ang mga lokal at dayuhang turista. Doon nagbabakasyon ng ilang araw. Naliligo at naglulunoy sa malinaw, malamig at mangasul-ngasul na tubig. Ang ibang turista, naglalatag ng tuwalya sa buhangin. Nakasuot ng bikini at nagbibilad sa araw tuwing umaga. May mga turista rin na walang bra na nakahilata. Nagbibilad sa araw.
Walang pakialam sa mga naglalakad sa puting buhangin makita man ang kanilang dibdib na parang papayang Batangas. Ang iba naman ay parang pritong itlog na itinapal.
Isa sa maipagmamalaki nating isla ay ang Pagasa Island na nasa Kalayaan, Palawan. Bahagi ng West Philippine Sea o China Sea. May lawak na 37 ektarya at pinakamalaki sa walong reef, shoal at mga isla na sakop ng Pilipinas sa Spratly archipelago. May 230 milya ang layo sa mainland.
Noong nakalipas na Abril 21, sa ikalawang pagkakataon, sakay ng C-130 transport plane, binisita ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Pagasa Island. Kasama niya ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na binubuo nina AFP chief of staff Lt. Gen. Eduardo Ano, Philippine Army chief Lt. Gen. Glorioso Miranda, Air Force chief Lt Gen. Edgar Fallorina, at Western Command chief Lt. Gen. Raul del Rosario.
Inihayag ni Defense Secretary Lorenzana na layunin ng kanilang pagdalaw sa nasabing isla na malaman ang mahahalagang bagay na kinakailangan upang ito’y mapaganda. Madagdagan ang pasilidad para sa kabutihan ng mga sundalo at ng mga naninirahan sa isla. Ang pamahalaan ay may inilaan na P1.6 bilyon para sa pagpapaganda sa Pagasa.
Ayon pa sa Defense Secretary, ang P1.2 bilyon ay gagamitin sa pagsasaayos ng 1.3 kilometrong runway ng isla habang ang P400 milyon naman ang gagamitin sa pagpapatayo ng port o pantalan. Ang konstruksiyon ay pangangasiwaan ng Naval Construction Battalion ng Philippine Navy. Bukod sa pagsasaayos ng runway, plano rin gobyerno na magtayo ng fish port, radio station, desalination plant at ice plant. Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na maglagay ng marine resource facility.
Bukod sa P1.6 bilyon na inilaan sa pagpapaganda sa Pagasa Island, ang pito pang isla sa Spratlys na sakop ng Pilipinas ay may inilaan na tig-P20 milyon upang ayusin ang mga istruktura sa nasabing mga isla. Inaasahan na sa darating na Hulyo ay matatapos na ang beaching o paggawa ng dalampasigan upang ang Landing Ship Team (LST) ay makatigil at maibaba ang mga construction material tulad ng buhangin, graba, semento at iba pang materyales na... magagamit sa pagsisemento sa runway.
Sa mga ipinahayag ni Defense Secretary Lorenzana kaugnay sa plano ng pamahalaan sa Pagasa Island, marami ang
nagdarasal na maging isang lantay na katotohanan at katuparan. Sa oras na mapaganda ang Pagasa Island, kasabay na nito ang pag-unlad ng buhay ng mga nakatira sa isla. Magiging tourist destination ito. May mga nagdarasal din na sana’y hindi umiral ang pagiging sakim ng China at agawin sa Pilipinas ang Pagasa Island. Kung gagawin ito ng China, huwag sanang maging parang manok na panabong na mangungupete at asong babahag ang buntot ang ating Pangulo sa mga Intsik. (Clemen Bautista)