ANTIQUE - "Mission accomplished!"
Ganito ang naging kahulugan batay sa paglalarawan ni dating Southeast Asian Games long jump at heptathlon queen Elma Muros Posadas sa kanyang natanggap na parangal bilang unang Palarong Pambansa Lifetime Achievement award na iginawad sa kanya ng Department of Education nitong Sabado sa opening rites ng 2017 Palarong Pambansa dito sa Binirayan Sports Complex sa lungsod ng San Jose.
"Sa akin naman kasi ibinabalik ko lang at isini-share sa iba kung ano yung mga naabot ko buhat sa pagiging isang dating atleta dito sa Palaro.So, parang mission accomplished na sa kin na makatulong ako at mai-share ko yung talent na ibinigay sa akin ni God dun sa mga batang gusto ring marating yung inabot ko at makatulong sa kanilang pamilya balamng araw." pahayag ni Muros-Posadas na naging kampeon ng Palaro sa loob ng tatlong sunod na taon noong 1981-1983.
Ayon kay Muros-Posadas malaking kasiyahan na para sa kanya at asawa na si national coach Jojo Posadas ang makatulong sa mga kabataan lalo na doon sa mga hindi naman gaanong nakakaangat ang kabuhayan upang magkaroon ng magandang edukasyon at makapagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng tsansa sa mga ito na magkaroon ng scholarship sa pamamagitan ng sports.
"Kung ano yung ginawa ko, yun din ang itinuturo ko sa kanila, yung magsikap silang matulungan ang sarili nila at ang kanilang pamilya at sa pagbalik nila sa kanilang mga pinangggalingan yung mga taong tumulong sa kanila habang sila ay nagsisimula, sila naman ang tumulong," ayon pa kay Muros.
"Use their talent, kung ano yung ibinigay sa kanila ng Diyos para ma-improve ang kanilang buhay," dagdag pa ni Muros na nakapagbigay na ng tig-5 titulo sa UAAP at sa NCAA track and field team ng Far Eastern University at Jose Rizal Univeristy ayon sa pagkakasunod at dalawa naman sa Univerisity of the East.
Buong pagmamalaki ding sinabi ni Muros-Posadas na lahat ng dati'y salat sa kanilang kabuhayan sa pinanggalingan niyang bayan ng Magdiwang sa Romblon ngayon ay naibigay na niya at napunan para sa kanyang mga magulang dahil sa kanyang pagiging isang matagumpay na atleta.
"Basta kung gusto mong magtagumpay, unang-una mahalin mo yung ginagawa mo, maging masunurin ka sa mga coach mo dahil wala naman silang ituturong hindi makakabuti sa yo at higit sa lahat lagi kang magpasalamat sa Diyos sa lahat ng mga bagay na dfumarating sa yo. Pagsubok man yan o kabiguan, ipagpasalamat sa yo dahil hindi yan ibibigay sa yo ng walang dahilan, sigurado na may mapupulot ka diyan at walang nagtagumpay na hindi nakaranas ng kabiguan," dagdag pa nito.
(Marivic Awitan)