Inaresto ang isang babaeng police superintendent matapos mahuli sa isang checkpoint sa Bohol na kasama ang sinasabing bomb expert ng Abu Sayyaf.

Lumilitaw sa imbestigasyon na magkasintahan sina Supt. Maria Christina Nobleza at si Reneir Dungon, at plano nilang i-rescue ang ilang Abu Sayyaf na nadakip matapos ang sagupaan ng teroristang grupo at puwersa ng gobyerno sa Inabangan, Bohol, noong isang linggo.

Sinabi kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Ronald Dela Rosa na dating miyembro ng nabuwag na Anti-Illegal Drugs Group si Nobleza, at bumalik sa kanyang mother unit, bilang deputy director ng Crime Laboratory sa Davao City.

Isa ring balik-Islam si Nobleza, dagdag ni Dela Rosa.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Si Dungon ay kaanak ng napatay na Abu Sayyaf leader na si Abdurajik Abubakar Janjalani, saad ni Dela Rosa.

Lulan sina Nobleza at Dungon ng Nissan Navara na may license plate number FGN 270. Kasama nila sa sasakyan ang isang matandang babae, na pinaniniwalaang biyenan ng napatay na teroristang si Zulkifli bin Hir alias Marwan, Akhmad Santos at isang bata na umano’y anak ni Santos.

Nataunan ng grupo ang isang police checkpoint. Sa halip na huminto ay tinangka nilang tumakas, ngunit nasabat din ang sasakyan.

Sinasabing itinapon ni Nobleza ang kanyang cellphone subalit narekober din ito ng pulisya.

Naglalaman umano ang cellphone ng text message mula sa Abu Sayyaf na humuhiling na iligtas ang mga nahuling Abu Sayyaf noong Sabado.

Paliwanag ni Dela Rosa, inaresto si Nobleza hindi dahil sa pagiging balik-Islam niya o sa relasyon niya kay Dungon, ngunit dahil tinangka niyang takbuhan ang police checkpoint.

Kakakasuhan siya kapag napatunayang sangkot siya sa planong itakas ang mga nahuling Abu Sayyaf sa bayan ng Clarin sa Bohol, sabi ni Dela Rosa.

“Dumaan yung pick-up sa checkpoint, pinflag down sila pero hindi sila tumigil. Suspek na sila dahil umiwas sa checkpoint,” sabi ni Dela Rosa.

Sinabi rin niya na maituturing na “sleeping with the enemy” si Nobleza dahil miyembro ng Abu Sayyaf ang kanyang kasintahan.

Nais ng PNP chief na ilipat sa Camp Crame mula sa kustodiya ng Bohol PNP sina Nobleza at Dungon.

“Mas maganda kung dito sila sa Crame ikukulong dahil magiging high risk detainee sila doon. Dito dapat sa Crame ikulong kung i-grant ng court,” sabi ni Dela Rosa. (Fer Taboy)