HINDI ko matiyak kung hanggang saan na ang iniusad ng murder case laban sa mga pumaslang kay Dr. Dreyfuss Perlas, ang boluntaryong Doctors to the Barrios (DTTB), na tubong Batan, Aklan. Sinasabing kinasuhan na ng pagpatay ang tatlong lalaki at isang babae na itinuturong utak ng naturang karumal-dumal na krimen na naganap sa Sapad, Lanao del Norte.

Nakapagpapasilakbo ng galit na hindi pa man nalalapatan ng katarungan ang pagpaslang kay Dr. Perlas, isa na namang volunteer doctor – si Dr. Sajid Jaja Sinolinding na isang ophthalmologist – ang pinatay sa loob mismo ng kanyang klinika sa Cotabato City. Nakapanlulumong mabatid na ang kambal na panananampalasang na ito ay naganap sa panahong matindi ang pangangailangang medikal ng ating mga kapatid sa mga kanayunan. Lalo na nga kung iisipin na mangilan-ngilan na lamang ang mga volunteer doctor na kusang-loob na nagseserbisyo dahil sa kanilang makataong hangaring mailigtas sa mga sakit ang maralitang taga-nayon.

Hindi maiaalis na biglang maitanong: Hindi ba sapat ang kakayahan ng ating libu-libong militar at pulisya na pangalagaan ang ating mga volunteer doctors? Sa ganitong mistulang pagwawalang-bahala o pagpapabaya sa seguridad ng mga boluntaryo, mayroon pa kayang mga doktor na tutugon sa DTTB na itinataguyod ng Department of Health (DoH)? Hindi kaya ito lalong magpabigat sa ating problema sa ‘brain drain’? Kinapapalooban ito ng pagtungo sa ibang bansa ng ating mga professional, lalo na ng mga doktor, upang humanap ng “greener pasture” na mabuting pagkakitaan at ligtas sa panganib.

Ganito rin ang sinasapit na kapalaran ng iba pang boluntaryo sa iba’t ibang larangan. Naalala ko ang isang kapatid natin sa media na ang pangalan ay nakahulagpos na sa aking memorya. Isa siyang volunteer environmentalist na buong-tapang na ipinaglalaban ang pagpinsala sa ating kapaligiran at kalikasan. Sa adhikain niyang ito, ibinunyag niya ang walang habas na pagkawasak ng mga likas na kayamanan na kagagawan ng mga tiwaling lingkod ng bayan. Hindi ko matiyak kung may nanagot na sa kahindik-hindik na pagpaslang sa kanya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maging sa maigting na kampanya ng Duterte administration ay mayroon ding nagboboluntaryong makipagtulungan upang malipol ang mga user, pusher ng illegal drugs. May pagkakataon na ang kanilang kusang-loob na serbisyo ay nagsasadlak sa kanila sa panganib.

Gayundin ang nangyayari sa mga boluntaryo laban sa illegal loggers, mining, fishing at maging sa smuggling. Panganib sa buhay ang ibinubunga ng kanilang mga pagsisikap.

Ang mga ito, at marami pang insidente, ang patunay sa kamatayan ng bolunterismo sa bansa. (Celo Lagmay)