Nagsampa kahapon ng reklamo ang isang photojournalist laban sa isang nagpakilalang konsehal ng Las Piñas City na umano’y nang-harass sa kanya habang kumukuha ng litrato sa isang aksidente noong Sabado ng madaling araw.
Personal na nagtungo sa tanggapan ng Las Piñas City Police si Jason Drew, 33, ng Bagong Sagad tabloid at director ng Progressive Tri-Media of Southern Metro (PTM-SM), upang ireklamo si Danilo Hernandez.
Ayon kay Drew, nitong Abril 22, dakong 12:30 ng madaling araw, ay may nadaanan siyang aksidente sa bahagi ng Alabang-Zapote Road, Barangay Almanza Uno na kinasasangkutan ng isang Honda Civic at isang Toyota Innova.
Dahil dito, kinunan ito ng litrato ni Drew ngunit bigla umano siyang sinita ni Hernandez na nagpakilalang councilor.
Hindi naman umano natinag si Drew at ipinagpatuloy ang pagkuha ng litrato dahilan upang pagmumurahin siya ni Hernandez.
Ayon pa kay Drew, lasing si Hernandez noong mga oras na iyon at pinagbantaan pa siyang babarilin.
Matapos makuhanan ng litrato ang aksidente, nagpasya si Drew na umalis na sa lugar upang maiwasan ang gulo at nagdesisyon na magsampa ng kaso. (Bella Gamotea)