Apat na katao, kabilang ang isang AWOL (absence without official leave) cop, ang inaresto ng mga pulis makaraang makuhanan ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Taguig at Pasay City nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ang mga inarestong suspek na sina PO1 Dandy Dee, AWOL cop na nakatalaga sa Philippine National Police (PNP)-CALABARZON (4A), at kaibigan niyang si Rudy Matangihan, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Taguig; at Maricar Sucgang, 32, at Jeffrey Fuentes, 31, kapwa taga-Pasay.

Sakay sina Dee at Matangihan sa isang motorsiklo at binabaybay ang Tawi-Tawi Street, Maharlika Village nang parahin sila ng mga elemento ng Taguig Police Community Precinct (PCP)-2, bandang 5:00 ng hapon.

Ayon kay SPO1 Mark Andrew Mozo, may hawak ng kaso, walang suot na helmet ang dalawa kaya pinara nila ang mga suspek at hiningi ang driver’s license ni Dee, na nagpakilalang pulis.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nang kapkapan ng pulis sina Dee at Matangihan, nakuha nila ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Makalipas ang ilang minuto ay inamin ni Dee na siya’y naka-AWOL at hindi na aktibo sa serbisyo simula pa noong nakaraang taon.

Kapwa dinala sina Dee at Matangihan sa Taguig City Jail at kinasuhan ng paglabag sa Section 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, inaresto naman ng Pasay PCO-6 si Sucgang matapos i-report ng isang concerned citizen ang “kahina-hinala” niyang kilos habang naglalakad sa harap ng barangay hall sa Barangay 190, Don Carlos Village, dakong 4:30 ng hapon.

Kinumpronta ng mga rumespondeng pulis si Sucgang na nagtangkang tumakbo at takasan ang awtoridad.

Ayon sa mga pulis, posibleng hinihintay ni Sucgang ang kanyang buyer matapos makuha sa kanya ang isang pakete ng hinihinalang shabu.

Base sa barangay record, kabilang si Sucgang sa drug watch list.

Habang nakita namang naglalakad na nakahubad baro, paglabag sa ordinansa ng Pasay City, si Fuentes sa kahabaan ng Primero de Mayo Street, Bgy. 91, bandang 4:00 ng hapon.

Nakuha rin mula kay Fuentes ang isang pakete ng hinihinalang shabu na kanyang itinago sa kanyang brief.

Dinala dina Sucgang at Fuentes sa Pasay City Jail at kinasuhan ng possession of illegal drugs.

(MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)