Dalawang dating barangay official ng Maynila ang hinatulang makulong ng tig-23 taon dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na pagkuha ng reimbursement sa umano’y ginastos na gasolina na aabot sa P10,000 noong 2004.
Sina dating Barangay Chairman Lara Mae Reyes at Treasurer Stephanie Belle Maño ng Barangay 748, Zone 81, District V, Maynila, ay kapwa napatunayang nagkasala sa kasong graft matapos silang hatulang makulong ng tig-10 taon.
Kapwa rin silang guilty sa kasong malversation of public funds through falsification at pinatawan din ng tig-13 taong pagkakabilanggo.
Bukod dito, pinagbabayad din sila ng tig-P2,500 sa kada bilang ng kanilang kaso.
“Ombudsman prosecutors proved during the trial that the accused displayed evident bad faith by fraudulently claiming reimbursements of P2,500 per quarter purportedly used for a jeep-type patrol vehicle. The court observed that the receipts submitted by the accused in support of their claim for reimbursement, indeed, do not show the vehicle in which the gasoline was loaded,” ayon sa desisyon.
Ayon sa Ombudsman, nabigo ang dalawang akusado na mapatunayang ginamit nila ang pondo ng barangay para sa gasolina ng service vehicle.
Natuklasan din na “hindi na ginagamit at sira na ang nasabing behikulong tinutukoy ng dalawang akusado.”
(Rommel P. Tabbad at Mary Ann Santiago)