Aabot sa P5.6 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa mga inarestong miyembro ng big-time drug syndicate na kumikilos sa Quezon City makaraan ang buy-bust operation sa Nueva Ecija at Bulacan, iniulat kahapon.

Sa report ni Quezon City Police District (QCPD) chief Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, unang inaresto sina Melvin T. Samson at Girlie Santiago, kapwa umano drug dealer at residente ng Barangay Palasahan, Malolos City, Bulacan.

Arestado rin sa follow-up operation ang supplier ng shabu na kinilalang si Kimberly C. Arsoden, nasa hustong gulang, ng Purok 5, Upper Bicutan, Taguig City.

Bandang 11:30 ng umaga kamakalawa dinakma sina Samson at Santiago sa buy-bust operation sa Bgy. Maybubon, Guimba, Nueva Ecija.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakumpiska sa kanila ang 120 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P600,000, drug paraphernalia at marked money.

Itinuro naman nina Samson at Santiago ang kinaroroonan ng supplier at agad ikinasa ng QCPD-Philippine Drug Enforcement Agency (QCPD-PDEA) at ng Nueva Ecija Police ang follow-up operation sa Bgy. Palimbang, Calumpit, Bulacan hanggang sa nasorpresa si Arsoden sa kanyang hideout sa Paco Royal Inn, McArthur Highway.

Nasamsam kay Arsoden ang malaking plastic bag na naglalaman ng 10 kilo ng shabu na nagkakahalaga P5 milyon at marked money.

Kasalukuyang nakakulong sina Samson, Santiago at Arsoden sa Camp Karingal at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Drug Act of 2002. (JUN FABON)