SA nakalipas na walong buwan, mula nang ilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang giyera kontra droga, laman na ng mga pahayagan, radyo at telebisyon ang bilang ng mga naitumba at tumimbuwang na drug suspect sa kamay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng “Oplan Tokhang”.
Walang magawa ang mga kamag-anak ng mga biktima, na pawang nakasuot ng tsinelas, kundi manangis at sumigaw ng katarungan. Mahirap mangyari. Sabunot sa panot at suntok sa buwan.
Ang giyera kontra droga ay pinuna at binatikos ng mga nagpapahalaga sa buhay ng tao tulad ng mga pari, Obispo, Simbahan at iba pang kilalang lider ng ibang bansa at mga nagsusulong ng karapatan pantao. Ngunit pagmumura ang tugon ng Pangulo sa kanyang mga kritiko. Hindi nakaligtas sa kanyang pagmumra ang dating pangulo ng America, ang dating secretary general ng United Nations, sinabihan pa ng, “Go to hell!” Minura din ang mga taga-Commission on Human Rights na mag-iimbestiga sa mga pagpatay.
Nang masangkot sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng Koreano ang ilang opsiyal at tauhan ng Anti-Intelligence Drug Group (AIDG), binuwag ito at ipinagpatuloy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang anti-illegal drug operation. Napahiya at nasira ang imahe ng PNP sapagkat kahit nagbigay na ng P5 milyon ransom money ang asawa ng negosyanteng Koreano, pinatay pa rin ang biktima sa loob ng Camp Crame. Sinunog ang bangkay at ipinalulon sa inidoro ang abo.
Muling inilunsad ng PNP ang giyera kontra droga. Tinawag ito ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa na “Oplan Tokhang Double Barrel Reloaded”. Naging bahaging muli ng police operation ang pagtimbuwang sa mga drug suspect. Umaabot na sa 8,000 ang napatay kabilang ang mga naitumba ng vigilantes group na ayon sa iba ay mga tauhan din ng pulisya. Mabibilang sa isang daliri ng kamay ang nadakip at naitumbang drug lord.
Sa mga pagpatay na may kaugnayan sa giyera kontra droga, nitong Abril 18 ay hinamon ni Senador Panfilo Lacson ang PNP na lutasin ang mga kaso ng pagpatay. Hiniling pa ng dating PNP chief na baguhin ang mga taktika ng PNP. Ito ang hamon at hiling ng Senador nang magsimulang mawalan ng suporta ang mga brutal na pagpatay sa giyera kontra droga.
Bumagsak sa +66 porsiyento ang public satisfaction rating sa giyera kontra droga sa unang bahagi ng 2017. Nangangamba na ang iba nating kababayan na sila ay maging biktima ng extrajudicial killings.
Ayon pa kay Lacson, napapagod na ang mga mamamayan sa mga report tungkol sa summary execution. Bilang pagbabago, simulan nang lutasin ng PNP vigilante killings... sa giyera kontra droga. Dakpin ang mga responsable sa mga pagpatay.
Kailangan lutasin ng pulisya ang mga kaso ng death under investigation (DUI) at dakpin ang mga suspek.
Isa nang pambansang bangungot ang kaliwa’t kanang pagpatay sa giyera kontra droga, ayon naman kay Senator Risa Hontiveros. Ang tumataas na bilang ng mga napatay ay humahantong sa pagbaba ng suporta ng ating mga kababayan.
Malutas kaya ng PNP ang mga kaso ng pagpatay? O ang ikakatwiran at igigiit na sagot: ang mga napatay sa drug operation ay nanlaban habang dinarakip at nalagay sa alanganin ang buhay ng mga nagpapatupad ng batas.
(Clemen Bautista)