Hindi na makauuwi pa sa Baguio City ang isang 24-anyos na lalaki na binaril sa noo at pinatay ng riding-in-tandem habang naglalakad pauwi sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot ang biktimang si Marlon Joseph del Rosario, binata, ng 1149 Francisco Street, Arellano, Malate habang mabilis namang tumakas ang dalawang suspek na lulan sa isang orange na Mio Sporty Motorcycle.
Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 12:05 ng madaling araw nangyari ang insidente sa harap ng NLC Residences, sa Estrada St., Arellano, Malate.
Pauwi na ang biktima, kasama ang kaibigan niyang si Keith Ibanez, matapos kumain sa isang steak house nang bigla silang hintuan ng mga suspek at pinaputukan si Del Rosario.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, walang kaaway si Del Rosario at hindi rin sangkot sa ilegal na droga.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)