KINUMPIRMA ni Jodi Sta. Maria na malapit na siyang bumalik sa paggawa ng teleserye. Ito ang kasagutan ng aktres sa mga tagahanga niya na panay ang tanong kung kailan siya muling mapanood sa isang soap opera.
Ayon kay Jodi, pinag-uusapan na nila ng ABS-CBN management ang gagawin niyang TV series, pero wala muna siyang maibibigay na detalye hinggil dito. Hintayin na lang daw ang mismong management ng Kapamilya Network ang maglabas ng pahayag.
Remake ng Pangako sa ‘Yo ang soap na huling ginawa ni Jodi at umariba ito sa primetime ratings chart.
“Basta magbabalik telebisyon tayo this year,” sabi ni Jodi.
Pero pagkatapos maging Amor Powers sa Pangako Sa ‘Yo, kahit may isang taon na ring wala siyang TV series ay hindi rin naman siya nabakante dahil ginawa niya ang The Achy Breaky Hearts with Ian Veneracion at Richard Yap.
Nagkaroon din siya ng isang episode saMaalaala Mo Kaya at ngayon nga ay tinatapos na rin ang pelikulang Dear Other Self with Xian Lim at Joseph Marco under Star Cinema.
Wala pang playdate ang pelikula nila, pero tinitiyak niya na magugustuhan daw ng mga tagahanga niya ang papel niya rito.
“Kung una mo siyang papanoorin akala mo dalawang tao ito. Isang tao lang siya na gumawa lang ng magkaibang desisyon,” pahapyaw na kuwento ni Jodi hinggil sa ginagampanan niyang papel sa Dear Other Self. (JIMI ESCALA)