GAGAWARAN sana ng University of the Philippines ng honorary Doctor of Law degree si Pangulong Rodrigo Duterte sa commencement exercises nito sa June 25, kung saan siya inimbitahan bilang panauhing tagapagsalita.

Ang problema, iprinotesta ito ng mga estudyante. Ayon sa kanila, hindi karapatdapat ang Pangulo sa parangal na ito.

Nagdulot ito ng kaguluhan. Noong una, si Sen. Chiz Escudero ang lumabas na nagpanukala nito, ngunit itinanggi niya ito. Si UP President Danilo Concepcion pala ang nagpanukala na parangalan ang Pangulo ayon sa katitikan ng pulong ng UP Board of Regent (BOR) noong Abril 5. Ang BOR ang naghalal kay Concepcion para sa panguluhan ng unibersidad.

“Tradisyon natin ang imbitahan ang Pangulo,” wika ni Concepcion, “na maging panauhing tagapagsalita sa commencement exercises sa Diliman.” Tradisyon din, aniya, na gawaran ng honorary doctorate degree ang pangulo, senate president at chief justice. Ipinanukala ni Concepcion na ibigay ang parangal sa Pangulo kahit saang lugar kapag hindi siya dumalo sa seremonya. Ang BOR ang siyang dapat magpasiya sa isyung ito, sabi naman ni Student Regent Raoul Manuel na siyang tanging kinatawan ng mga mag-aaral dito. Dito raw maririnig ang opinyon ng mga estudyante, guro at staff tungkol dito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi naman tinanggap ng Pangulo ang alok na parangal dahil prinsipyo niya raw ang hindi tumanggap ng parangal. Kaya lang, ginawa niya ito pagkatapos batikusin sa social media ang ginawa ng UP BOR. “Hindi karapatdapat ang parangal na honorary degree para sa Pangulo,” ayon sa mga netizen. Isa pa, may mga okasyon namang tumanggap siya ng award tulad ng Knight Grand Cross of Rizal Rank na iginawad sa kanya ng Knights of Rizal at “Man of the Year” award ng The Manila Times.

Hindi maiimpluensiyahan ng ano mang konsiderasyon ang mga mag-aaral ng Pamantasan ng Pilipinas. Matapang nilang inihahayag ang... kanilang saloobin dahil alam nila ang kanilang ginagawa at sinasabi. Mapagmatayag sila sa nangyayari sa kanilang bansa at nakikiisa sila sa mamamayan. Kaya, sa kanilang pamantayan, hindi magandang parangalan ang Pangulo.

Bakit nga ba gagawin nila ito, eh ang istilo niya ng paggogobyerno ay istilo ng kanilang nilabanan noon. Parangalan mo si Pangulong Digong at parang binuhay mo si dating Pangulong Marcos. Kamay na bakal at walang paggalang sa karapatang pantao ng mamamayan ang istilo ng dalawa. Ginawa nila ang kanilang gobyerno na malupit at mamamatay tao.

Hindi magandang modelo para parangalan ang Pangulo. (Ric Valmonte)