NAGING makasaysayan ang matagumpay na selebrasyon ng ika-15 taon ng Gawagaway-yan Festival, kasabay ang paggunita sa ika-16 na taon ng pagiging siyudad ng Cauayan sa tulong ng city officials sa pangunguna ni Mayor Bernard Dy at mga organizer ng festival sa pamumuno ni Director General Theo Angelo Garcia.
Ipinagmalaki ni Mayor Dy ang pagkakaisa ng Cauayenos mula noon hanggang sa pag-unlad ng siyudad kaya binansagan itong “Ideal City of the North” at sa festival na naging masaya, magarbo at mapayapa simula Marso 25 hanggang Abril 9.
Ang Cauayan City ay nakapagtala na sa Guiness Book World of Records ng “Largest Parade of Motorcycle with Sidecar” na nilahukan ng 685 motorcyles noong Abril 8, 2015. Na-break nila ang rekord ng China na 371 motorcycles.
“Bilang paggunita, naisip naman namin ang kakaiba sa ating mga tricycle sa pamamagitan ng dressed-up, kaya ilan sa mga napiling tricycle ang nagpatalbugan sa kanilang disensyo na karamihan ay may temang agrikultura, para sa ikakasiya ng ating mga kababayan,” pahayag ni Dy.
Aniya pa, ang tricycle ang pangunahing transportasyon sa lungsod at ipinagmalaki nila ang pagiging disiplinado ng mga drayber at pakikiisa sa mga programa, lalung-lalo na sa peace and order. “Hopefully sa susunod na taon ay mas maraming tricycle dressed up ang ipaparada natin.”
Naging highlight din ng pagdiriwang ang Hot Air Balloon, Sky Diving, street dancing, float parade at mga concert ng celebrities.
Hindi rin nagpahuli ang mga kalabaw, na kabilang din sa bagong activities ng Gawagaway-yan Festival. Bukod sa Carabao dressed-up, nagkarera ang mga magsasaka sakay ng kani-kanilang kalabaw sa Barangay San Luis.
“Bilang pagkilala sa ating magigiting na magsasaka ay dito natin ginawa ang indigenous games na ito, upang ipagpatuloy nila na palaguin pa ang kalabaw sa halip na makinarya,” ayon pa kay Garcia.
Ang “Gawagaway-yan” ay mula sa salitang Gaddang tribe, na ang ibig sabihin ay Masagana at Masayang Pagtitipon ng mga Cauayanos. Sa bisa ng city ordinance, itinakda noong Marso 2002 ang Gawagaway-yan bilang opisyal na festival ng siyudad. Isinasagawa ito bilang pagpapahalaga sa nakagisnang gintong pamana ng kultura at pagkakaisa sa pagpapaunlad ng siyudad at mga mamamayan nito. (RIZALDY COMANDA)