HINDI masasabing kakatwa na kasabay ng panawagan ng Group of Seven (G7) — ang pinakamauunlad na bansa sa mundo — sa pagpapatupad ng desisyon ng United Nations Arbitral Court sa South China Sea, hindi naman nagpapakita ng interes dito ang mga bansa sa Asia na sangkot sa usapin.
Nagpalabas ang mga foreign minister ng G7 — Canada, France, Germany, Italy, Japan, United Kingdom, at Amerika — ng joint communiqué at tinukoy nila ang desisyon ng Arbitral Court noong Hunyo 12, 2016, sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) bilang kapaki-pakinabang na basehan sa mga pagsisikap upang resolbahin ang mga hindi pagkakaunawaan sa South China Sea.
Taliwas dito, sinisikap ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China na makumpleto ang isang Code of Conduct (COC) Framework sa South China Sea, na inaasahan nilang matatapos na para sa ASEAN Summit na idaraos sa Pilipinas ngayong taon. “There is a strong level of commitment between ASEAN and China to conclude the COC Framework,” sabi ng tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na si Robespierre Bolivar.
Isinasaalang-alang ng G7 nations — pawang Kanluranin maliban sa Japan — sa pandaigdigang batas ang pagresolba sa mga alitan sa pagitan ng mga bansa. Pinananatili nila ang kanilang paninindigan sa malayang paglalayag at pagbiyahe sa himpapawid, at sa iba pang pandaigdigang batas na na may kinalaman sa karagatan.
Samantala, pinipili ng mga bansa sa Asia ang mga kasunduang bunga ng negosasyon kaysa mga desisyong legal. Ang mismong ASEAN ay bumubuo ng mga pasya sa pamamagitan ng consensus, hindi ng pagboto. Kaya sa usapin ng South China Sea, na inaangkin ng China, pinili ng ASEAN ang isang negosasyon para magkaroon ng Code of Conduct kasama ang China, kaysa igiit ang pasya ng Arbitral Court.
Maaaring idinulog ng Pilipinas sa Arbitral Court ang orihinal nitong reklamo laban sa China sa panahon ng administrasyong Aquino, ngunit sa halip ay pinili ni Pangulong Duterte na makipagnegosasyon na lang sa China, dahil batid niyang walang kahahantungan ang kasong legal sa gitna ng deklarasyon ng China na hindi nito kailanman isusuko ang soberanya sa inaangking teritoryo. Nariyan na ang desisyon ng korte, isang mahalagang bahagi ng ipinaglalaban ng Pilipinas, aniya, ngunit sa ngayon, pinakamainam na resolbahin sa usapin sa China sa paraan ng ASEAN, sa paraang Asyano.
Pinamumunuan ng Pilipinas ngayong taon ang ASEAN, na ang mga minister ay nagpulong sa Bohol noong nakaraang linggo, habang magtatalakayan naman ang mga pangulo at prime minister sa isang Summit sa huling bahagi ng taong ito. Ang tensiyon sa South China Sea, kung saan apat na miyembro ng ASEAN ang umaangkin sa teritoryong hangad din ng China, ay posibleng matalakay sa mga pulong ngunit inaasahan ding igigiit ng mga pinuno ng ASEAN — hindi ang desisyon ng UN Arbitral Court — kundi ang Code of Conduct sa pinag-aagawang mga isla.