NANINIWALA ako na karamihan sa ating mga kababayan, sa lahat ng sulok ng buong kapuluan, ay tahimik na sumusuporta sa malawakang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga sindikato ng ilegal na droga, dangan nga lamang ito ay nabahiran ng dugo ng mga maralita kasabay ng paglitaw ng ‘di maitatatwang mga “butas ng batas para sa mahihirap.”
Naglaro ang bagay na ito sa aking isipan sa ilang araw kong pagko-commute – iwas sa matinding trapik at gastos sa gasolina— pagpila sa mga UV terminal, at lalo na sa terminal ng tricycle sa amin sa Novaliches, Quezon City na ang pamatay oras ng ilang grupo ng mga namamasada ay ang pagdedebate hinggil sa mga nagawa para sa bayan ng kasalukuyang administrasyon.
At siyempre, ang maiinit na paksa ay ang epekto ng “Oplan Tokhang” ng Philippine National Police (PNP), ang bilang ng mga sumuko at mga napatay kahit na nagpakita ng kagustuhang magbagong buhay sa pamamagitan ng pagsuko nang sila ay katokin sa kanilang mga bahay.
Marahil kung nakamamatay ang mura ay pinaglalamayan na ang mga hukom, na agad na nagdi-dismiss sa mga kasong drug-related o kaya naman ay ang agad na pagda-downgrade sa mga dapat sana ay walang piyansang asunto, ngunit – sa magkano man kayang dahilan – biglang nakapagpipiyansa ang mga ito.
Ganito ang nangyari sa kaso ni Police Supt. Lito Cabamongan na nagpositibo sa drug test at nahuli sa aktong gumagamit ng shabu sa loob ng isang bahay sa Las Piñas, ngunit ang kasong dapat sana’y walang piyansa ay biglang naging “bailable” at dito, sa wari ko’y galit na galit ang mga pinakikinggan kong nagtatalu-talo – kaya narinig ko na lang silang sabay-sabay na nagsabing: “Butas talaga ang batas para sa ating mga mahihirap.”
Si Police Supt. Cabamongan, 50, ay pinayagan ni Judge Lorna Domingo, ng Las Pinas City RTC, Branch 201 na makapaglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P240,000 kaya Biyernes pa lamang ng hapon ay pinalaya na rin ito. Nilinaw ng korte na bailable ang kasong kinakaharap ng nasabing pulis.
Iisa rin ang boses nila sa pagtatanong kung bakit ang mga kalugar nilang mahihirap, “tsismis” pa lang ay user na agad ang kaso at... madalas ay nagiging “pusher” pa nga. Kumpara naman daw sa suwerte nitong si Police Supt. Cabamongan, kahit na “caught in the act” na at bistado na ring “gumon” na sa shabu, ay iniutos agad na palayain at pagbayarin ng cash bail ang hukumang pinagsampahan ng kasong ayon na rin sa mga imbestigador ay “non-bailable” case.
Si Police Supt. Cabamongan ay dating hepe ng PNP-Crime Laboratory, Alabang Satellite Office sa Muntinlupa City.
Sinibak agad siya sa puwesto matapos umanong magwala sa isang mall nang hindi siya payagang makapanood ng libreng sine.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-09953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)