ANG pagtanggi sa climate science na matagal nang pinopondohan ng Amerika ay makapipilay sa mga pananaliksik sa mundo at makapipigil sa pandaigdigang laban kontra climate change, ayon sa mga siyentistang nasa labas ng Amerika, na ang ilan ay dumagsa sa mga lansangan nitong Sabado (Linggo sa Pilipinas) upang bigyang-diin ang puntong ito.
Nanawagan si US President Donald Trump na bawasan ang pondo sa mga ahensiya ng pamahalaan na nagsasagawa ng monitoring at sumusuri sa klima sa pagkalap ng mga datos mula sa mga satellite, sa pinakamalalalim na bahagi ng karagatan, at sa alinmang maaaring mapakinabangan.
“An unprecedented attack on science, scientists and evidence-based policymaking is underway,” sabi ni Kenneth Kimmell, presidente ng Union of Concerned Scientists, isang policy institute sa Washington.
“And nowhere is the attack more ferocious than on the issue of global warming.”
Walang dudang ang panukalang bawasan ang budget sa pananaliksik sa Departments of Energy, Environmental Protection Agency, NASA at National Oceanic and Atmospheric Administration — na sa kabuuan ay aabot sa bilyun-bilyong dolyar at libu-libong trabaho — ay nakatuon sa climate science, na matagal nang itinatanggi ni Trump bilang “hoax” na pakana, aniya, ng mga Chinese.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mga siyentista sa Europa, Asia at Australia hindi lamang sa maaaring paglamya ng pananaliksik sa Amerika, kundi sa posibilidad na mabalewala ang lahat ng kanilang mga pinaghirapan.
“The impacts may range from troublesome to disastrous,” sabi ni Bjorn Samset, research director sa Center for International Climate Research sa Oslo. “We use US climate-related data — particularly from satellites — on a daily basis.”
Pinakikilos ng mga pangunahing federal agency, ang Amerika “has become the global provider of high quality, long-term datasets,” dagdag ni Samset.
Ang ilang programang nakatakdang alisin, halimbawa, ay mahalaga sa pagtukoy kung gaano karaming carbon ang nailalabas sa kapaligiran, o kung paanong magbabago sa mga susunod na panahon ang hitsura ng mga ulap—isa sa mga pangunahing ikinokonsidera sa pagtaya sa magiging epekto ng climate change sa hinaharap.
“This would impair our ability in the future to keep our observations, and understanding, up to speed,” sabi ni Joeri Rogelj, research scholar sa International Institute for Applied Systems Analysis sa Vienna, isa sa mga pangunahing lugar para sa climate modelling.
Para kay Myles Allen, nangunguna sa Climate Research Group ng University of Oxford, ang magiging pinsala ng pagbabawas ng Amerika ng pondo ay makaaapekto nang higit pa sa mga orihinal na datos na pinag-aaralan ngayon ng mga mananaliksik.
“If we lose that intellectual firepower, it is obviously going to make dealing with the problem that much harder,” sinabi ni Allen sa isang panayam. “We need American technology and innovation to find solutions.”
(Agencé France Presse)