ANTIQUE- Maagang nagparamdam ng kanilang title-retention bid sa elementary at secondary level ang National Capital Region nang bumanat sa men’s gymnastics competition ng 2017 Palarong Pambansa na nagsimula kahapon sa Evelio Javier Stadium sa Binirayan Sports Complex sa San Jose City.
Sa pangunguna ni John Ivan Cruz, nagwagi sa floor exercise, vault at mushroom, kinopo ng NCR ang team gold medal sa natipon na 92.550 puntos sa elementary boys artistic gymnastics.
Pumangalawa sa kanila ang Region 3 (Central Luzon Regional Athletic Association) na pinangunahan ni Janelle Aeron Calulang, sumegunda kay Yulo sa individual all-around na may natipong 87.900 puntos at pumangatlo ang Region 4-A o Southern Tagalog Calabarzon Athletics Association na may 87.300 puntos.
Sa secondary level, kinopo din ng NCR sa pamumuno ni individual all-around gold medalist Joseph Reynado ang gold sa team championship sa natipon nilang 96.150 puntos.
Tumapos na pangalawa sa kanila ang Region 12 o SOCCKSARGEN Region na may 88.150 puntos at pangatlo naman ang Region 6 o Western Visayas na may 82.300.
Tapos na rin ang women’s artistic at rhythmic gymnastics competition ngunit hindi kaagad nailabas ang mga resulta dahil inabutan na sila ng paghahanda para sa opening rites na dinaluhan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Wala ring signal ang mga networks sa bahaging iyon ng lungsod bilang protocol para sa seguridad ng presidente,bago at pagkatapos ng dalawang oras na programa.
Samantala, walong gold medals ang agad paglalabanan simula ngayong 6:00 ng umaga sa pagbubukas ng centerpiece event athletics.
Kabilang sa limang final events sa umaga ay ang secondary girls 3000 meters, secondary boys javelin throw, elementary girls shotput,seconday boys long jump at elementary boys triple jump.
At para makaiwas sa anumang sakuna o sakit na maaaring idulot ng napakatinding init ng panahon, ititigil ang kompetisyon mula 10:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon bago muling ipagpatuloy sa hapon kung saan paglalabanan naman ang finals ng secondary girls javelin throw at elementary boys shotput at girls long jump. (Marivic Awitan)