CABIAO, Nueva Ecija - Isang 78-anyos na magsasaka ang natagpuang palutang-lutang sa ilog sa Cabiao, Nueva Ecija, nitong Biyernes ng umaga.
Hindi pa matukoy ng mga imbestigador kung nalunod o nagpatiwakal si Tomas Salvador, magsasaka, na natagpuang nakalutang sa Pampanga River sa Barangay Bagong Silang sa Cabiao.
Ayon sa ilang kaanak ng matanda, nakakita sila ng umano’y suicide note sa shorts na naiwan ni Salvador sa kanilang bahay at nakasulat dito ang: “Ilio, Susan, Edith, Lino, masaya na kayo dahil hindi na ninyo ako makikita!”
Sinabi ng pulisya na dakong 3:00 ng hapon nitong Huwebes nang umalis sa bahay si Salvador para magtungo sa maisan ngunit hindi na ito nakabalik. (Light A. Nolasco)