VP Leni at Lakas ng Kababaihan family sa Naga

(Editor’s note: Sinisikap po naming makapaghatid ng kuwento ng mga inspiring people sa pahinang ito tuwing Linggo.

Ang tampok namin ngayon ay ang ating Pangalawang Pangulo na nagdiriwang ng kaarawan.)

SA rami ng support groups na tahimik na nasa likod ni Vice President Leni Robredo, simula sa mga magsasaka sa aming bayan (Bula, Camarines Sur) na tinulungan niyang magkaroon ng titulo ang mga lupang sinasaka at bumuo ng Pecuaria Development Cooperative na patuloy sa paglago at mayroon nang sariling trucks ngayon, tulad din ng Sumilao farmers at iba pang mga grupo ng magsasaka, urban poor, indigenous people, Lakas ng Kababaihan ng Naga at iba pang grupo ng small entrepreneurs noong abogada pa lamang siya’t kasama ng Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal (Saligan), mga taong-simbahan, Focolare Movement, corporate social resposibility (CSR) people at mga kompanya, Kris Aquino, Agot Isidro, Bea Binene at napakarami pang ibang celebrity, sa grupo ng mga dati niyang kaeskuwela noong high school sa Colegio de Sta. Isabel (Universidad de Sta. Isabel na ngayon) nagkaroon ng pagkakataon na magmasid ang manunulat na ito nitong nakaraang Biyernes ng gabi. (Ngayong araw ang kaarawan niya.)

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

Grupo sila ng mga dating kolehiyala na nag-imbita ng dinner sa Casa Roces restaurant para i-treat si VP Leni sa kanyang birthday. Golden girls na sila, pero para pa rin silang high school girls kapag nagkukuwentuhan, panay ang biruan at hagikhikan, KKB o kanya-kanyang bayad, at siyempre hindi maiiwasang pag-usapan ang mga problemang nasasabakan niya sa posisyong pinagdalhan sa kanya ng Diyos.

May pumunang beauty pa rin naman siya, na parang hindi naman siya namumroblema – kaya mas worried pa pala ang grupo sa nababasang bashing sa kanya sa social media.

“Isa ‘yan sa mga naitanong sa U.P. Los Baños,” sagot ni Leni, “galing ako do’n kanina bago ako nagpunta sa Amadeo (Cavite, doon siya nanggaling bago nagpunta sa dinner). Sa open forum, isa ‘yan sa mga naitanong.

”Sabi ko, nababasa ko ang bashers sa social media, pero kapag bumababa naman kami sa iba’t ibang lugar – lalo na sa komunidad ng pinakamahihirap nating mga kababayan – hindi naman nila pinag-uusapan ‘yan. Hindi nila alam ‘yan. Ang mga problemang isinasalubong nila na gusto nilang mabigyan ng solusyon, wala silang tubig, walang kuryente, walang clinic... So, alin ba ang mas dapat bigyan ng pansin?”

Isa sa pinakamaiinit na akusasyon ng bashers kay Leni, gusto raw niyang palitan si Pangulong Rody Duterte.

“Alam n’yo, sinabi ko mismo ‘yan kay President Duterte,” kuwento ni VP Leni. “Sabi ko sa kanya, ‘Mr. President, siguro naman kahit papaano kilala n’yo na ako. Hindi ko naman ho inaambisyon ang posisyon ninyo’. Sabi niya, ‘I know’.”

Dala-dala rin ni VP Leni ang brand ng public service ni Sec. Jesse Robredo. Huling taon ng kurso ng inyong lingkod sa Ateneo de Naga nang unang mahalal si Mayor Jesse Robredo sa Naga City. Hindi naging darling ng local press si Mayor Jess, simulang umupo siya hanggang sa huling termino niya. Pero hindi ito nagpadaig sa napakalakas na puwersa ng traditional politics.

Ngayon, nakasulat na sa kasaysayan, dahil sa mga pagbabagong naitanim ni Jesse sa Naga, siya lang ang tanging local government executive na ginawaran ng Ramon Magsaysay Award – ang katumbas sa Asia ng Nobel Prize ng mundo.

Binira nang husto ng local media si Mayor Jess, pero mas nakinig ang mga Nagueño sa marching orders ng kanilang alkalde – dinaan ang lahat sa gawa at hindi sa salita.

Siyempre pa, imposibleng walang boses ang maybahay.

Pero ang pinagtatakhan noon pa man hanggang ngayon, gayong dalawang dekadang nakapuwesto si Mayor Jess sa Naga, never na nakitang umeksena sa city hall o sa ano mang events ng siyudad si Leni.

Gustong tumulong ng mga dating kaeskuwela ni VP Leni. Nakita ko nang gabing iyon kung paano siya kumukuha ng lakas sa mga totoong taong naniniwala sa kakayahan niya.

“’Di naman nakakapagod magtrabaho para sa mga tao,” sabi niya, “ang nakakapagod, andaming hindi totoo. Sana maging totoo na lang lahat, lalo na sa politics. Kasi kung totoo lahat ng nakakatrabaho at nakakaharap mo, hinding-hindi ka mapapagod.” (DINDO M. BALARES)