NAGDEDEBELOP ng teknolohiya ang Facebook upang magawa ng mga tao na tumipa sa computer sa pamamagitan lamang ng isip at hindi na kinakailangang gumamit ng anumang device gaya ng keyboard.

Ito ang inihayag noong nakaraang linggo ni Regina Dugan, pinuno ng research company na Building 8.

“What if you could type directly from your brain? It’s closer than you think,” sinabi niya sa kanyang pagtatalumpati sa developer conference ng kumpanya sa San Jose, California sa Amerika.

Ayon kay Dugan, magagawa ng system ang “typing” ng 100 salita kada minuto sa pamamagitan ng pag-decode sa neural activity ng gumagamit ng computer, at ito ay limang beses na mas mabilis kaysa pagtipa ng tao sa smartphones.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sinabi ng mga eksperto sa Facebook na ang nasabing teknolohiya ay partikular na magiging kapaki-pakinabang para sa mga taong may problema sa komunikasyon.

Ikinokonsidera ng mga eksperto ang posibilidad ng paggamit ng espesyal na sensors upang ma-monitor ang aktibidad ng mga speech center sa utak ng isang taong nananahimik at ilipat ang mga impormasyong ito sa computer.

Kasabay nito, sinabi ni Dugan na hindi hangad ng kumpanya na magdebelop ng sistema na “deciphered random thoughts of people.”

Malinaw na intensiyon ng nasabing teknolohiya na gawing mas mabilis at mas maginhawa ang paggamit ng Facebook at computer para sa mga limitado ang kakayahan, at kasabay nito, makapaglunsad ng bagong paraan ng paggamit sa computer sa tulong ng pinakabagong teknolohiya.

Kabilang din sa mga tinalakay sa kumperensiya ang panonood sa mga footage ng isang babaeng paralisado na nagpi-print gamit lang ang kanyang utak. Sa kasalukuyan, ayon kay Dugan, ang sistemang ito ay nagpapahintulot na makatipa ng hanggang walong salita kada minuto. (PNA)